Una sa Balita

ASEAN+ Chess: Racasa niragasa ang Vietnamese

By
0 1,014

Pinaluhod ni Pinay woodpusher Antonella Berhe Racasa si top seed Bui Ngoc Phuong ng Vietnam upang sumalo sa top spot kahapon sa ASEAN+ Age Group Chess Championships sa Royal Mandaya Hotel sa Davao City.

Nirehistro ni 11-year old Racasa ang 5.5 points matapos ang round eighth upang samahan sa tuktok sina Vietnamese bets WCM Nguyen Hoang Thai Ngoc at Nguyen Phuc Yen Nhi, kababayang si Marie Roilanne Alonzo at ang kanyang biktima.

Isang laro na lang si Racasa sa event na ipinatutupad ang nine-round swiss system, makakalaban niya sa last round si Alonzo.

Kailangan ni Racasa na manalo upang manatili sa asam na korona at Woman Fide master title.

Sakaling manalo, depende sa kala­labasan ng laro ng ibang kasalo, kapag mataas ang tie-break points ng batang si Racasa ay mapupunta sa kanya ang titulo sa Girls’ Under-12 division.

Sa Under-20 hawak ng tatlong Pinay ang 1,2,3 matapos ang penultimate round.

Kapit ni WFM Shania Mae Mendoza ang top spot na may 6.5 pts., second place si Ella Grace Moulic, (6.0 pts.) habang tersero si WCM Kylen Mordido, (5.5 pts.).

Manalo lang sina Mendoza, Moulic at Mordido sa round 9 ay tiyak na hindi sila magagalaw sa kanilang puwesto.