Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Asan ang resibo? Carla ginawang ‘demonyo’ si Tom

0 964

Dati nang kuwestiyonable para sa amin ang rebelasyon ni Carla Abellana na tiniis niya nang pitong taon ang mga ‘kawalanghiyaang’ ginawa sa kanya ni Tom Rodriguez.

Ang isa, dalawa, tatlong taon na pagtitiis ay pasable pa para sa amin, pero ang pitong taon, ang sobrang haba na ng panahong ‘yun ay isa nang kahangalan para ipagtiis.

Kung totoo nga ang mga ibinato niyang bintang laban kay Tom sa loob nang pitong taon ay nasaan ang kanyang mga resibo? Pambabastos. Panloloko. Paninira. Panggagamit. Pagtataksil. Paninira sa kanilang pamilya.

Ano ang mga patotoo niya sa mga akusasyong ipinakain niya kay Tom? Pitong taon ng pagtitiis? E, bakit pa rin siya nagpakasal kay Tom kung ganu’n pala’t matinding pagsasakripisyo ang ginagawa niya?

Binalikan namin ang mga interbyu sa kanila ni Tom bago ang proposal, pagkatapos ng engagement nila, hanggang sa kasalan at pagkatapos ng kanilang pagtataling-puso.

Ni anino ng mga bintang niya kay Tom ay hindi namin nakita. Mula lupa hanggang langit ang papuri niya sa kanyang boyfriend na naging asawa na.

Magaganda ang kanyang deklarasyon tungkol kay Tom, wala siyang angal, samantalang tapos na ang kanilang kasal du’n sa napanood naming panayam nila.

Kaya lalo kaming naguluhan sa mga sinabi ni Carla. Dapat, kung totoong demonyo ang kanyang karelasyon, sa mga unang taon pa lang ay lumabas na siya sa pintuan ng kanilang relasyon!

Bakit pa siya magtitiis nang mahabang panahon? Bakit kailangan pa niyang isakripisyo ang kanyang kinabukasan sa isang lalaking walanghiya? At bakit pa siya nakipagkita sa altar?

Ang lahat daw ng ginawa sa kanya ni Tom ay binalikan niya ng tunay na pagmamahal, ng respeto, ng masarap na pag-aalaga at milya-milyang pagpapatawad at pang-unawa.

Wala raw siyang karapatang magalit, malungkot at magreklamo dahil siguradong makakatikim siya kay Tom. Banta ‘yun ng pananakit pero kahit minsan ay walang ganu’ng kuwentong lumutang tungkol sa kanila.

Ilang ulit din daw niyang sinabihan si Tom na magpagamot dahil ‘yun din ang nakabuti sa kanya, pero hindi tumugon ang kanyang asawa, ibig sabihi’y pareho pala silang nangailangan ng professional help ng isang doktor?

Malabo para sa amin ang mga bintang ni Carla. Babae kami na dapat ay makaunawa sa isang kapwa babae pero malabo pa sa putikan ang pagtanggap namin sa mga rebelasyon ni Carla Abellana.

***

Hindi man naging sapat sa mga ipinukol na akusasyon sa kanya ni Carla ang naging sagot ni Tom Rodriguez ay pasable na rin. Lalaki naman siya.

Mahirap makipagpingkian ng salitaan sa isang babae, lalo na’t asawa pa, siguradong may magsasabing bakla siya.

Sa halip na makipagtalo siya at dumepensa sa mga bintang ni Carla, bilang isang US citizen ay nag-file na lang ng divorce si Tom, depende na lang sa batas natin dito sa Pilipinas kung magiging aprubado o hindi ang kanyang hakbang.

Parang nakikinita na namin na gusto na sigurong magtago sa ilalim ng lupa ni Tom nang makarating sa kanya ang mga bintang ni Carla sa kabuuan ng kanilang relasyon.

Mabuti na lang at nilinaw ni Tom na kahit kailan ay hindi niya sinaktan nang pisikal ang kanyang dating misis. Walang naganap na ganu’n.

At sa kanilang mga panayam na isa-isa naming pinanood ay walang makikitang pahimakas man lang kay Carla na sinaktan nga ito ni Tom.

Walang consistency ang mga akusasyon ni Carla kay Tom. Hindi makapagsisinungaling ang video, ‘yun ang nagpapatunay na maligayang-maligaya ang aktres sa kanilang relasyon, kaya saan nanggagaling ang mga bintang niyang matindi at masakit laban kay Tom?

May resibo ang aming pagpuna. Pinanood namin ang kanilang mga interbyu bago at pagkatapos nilang ikasal.

Ano ang napanood namin, puro papapanggap lang, puro panloloko lang sa publiko? Nakakawindang!

Leave A Reply

Your email address will not be published.