Una sa Balita

Arrest pa more

By
0 443

Hindi nagkamali ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) nang italaga si Gen. Guillermo Eleazar bilang hepe ng Region 4-A mahigit isang buwan na ang nakalilipas.

Tulad ng kanyang pangako, tiniyak ng ating Mamang Pulis na magiging huwaran siyang lider ng kanyang mga tauhan.

Hindi nakaliligtas sa inyong lingkod ang mga accomplishment ng kanyang liderato. Masipag si hepe kung kaya’t masisipag at masisigasig din ang kanyang mga tauhan sa paglipol sa mga kriminal sa kanilang hurisdiksyon.

Si Gen. Eleazar ang Mamang Pulis na hindi lang nagpapalamig sa kanyang opisina. Hindi siya ang tipong papetik-petiks na lang pagkatapos na mabigyan ng puwesto.

Para sa kanya, isa itong walang katapusang hamon – ang patuloy na gampanan ang pangunahing tungkulin ng isang pulis. Ito ay ang protektahan ang mga mamamayan na may sumpang uunahin ang kaligtasan ng iba bago ang sarili.

Kung napapansin po ninyo, matitindi ang mga operasyon ni Gen. Eleazar sa mga nakalipas na araw.

Related Posts

Binuhay niya sa rehiyon ang Special Operations Group (SOG) na binubuo ng mga magagaling at matitinik na pulis na ang dalubhasa ay ang pagkalap ng mga intelligence report.
Ang resulta? Umabot lang naman po sa 119 na kabilang sa mga most wanted person ng Region 4-A ang naaresto nila.

May mga itinalaga rin si Gen. Eleazar sa counter-intelligence para sa internal cleansing laban sa mga tiwaling pulis. O ‘di ba tablado ang mga pasaway na pulis kay General. Tsupi kayo sa teritoryo niya kung ayaw ninyong umayos.

Mula sa average na 78 na naaaresto kada buwan simula noong Enero ng taong ito, umakyat ito sa 119. Nakakabilib ‘di po ba?

Ganito sana ang lahat ng mga lider ng pulisya para maging mas ligtas ang ating paligid.

Kabilang sa mga operasyong ito ang pagkakahuli sa mga AWOL na pulis na sina PO2 Benjo Sionilo at PO1 Ivan Henrick Tavas sa buy-bust operation sa Brgy. Burgos, Rodriguez, Rizal.
Nasa serbisyo si Sionilo ng 11 taon bago ito nag-AWOL noong Marso 16, 2018 samantalang pitong taon pa lang na pulis si Tavas pero dalawang beses nang nakasuhan sa pag-AWOL noong Hulyo 1, 2016 at Marso 29, 2017.

Ang sabi ni Gen. Eleazar, seryoso ang kampanya ng PNP sa pamumuno ni Director General Oscar Albayalde laban sa mga tiwaling pulis at iligal na droga at sinisiguro niya na ipatutupad niya ang kampanya sa Region 4-A.

Sabi ni RD Chief: “Tuloy tuloy itong pagha­hanap natin nitong mga Most Wanted Persons sa rehiyon. Hindi natin papayagang gumagala at namamayagpag itong mga kriminal na ito dito sa rehiyon. Para bang pinaglalaroan lang nila ang batas at hustisya.”