Una sa Balita

Arocha kumamada, Arellano sa Final 4

By
0 370

KINALAWIT ng Arellano University Lady Chiefs ang unang ticket sa Final Four matapos pagulungin sa tatlong sets ang Emilio Aguinlado College Lady Generals 25-19, 25-11, 25-8 kahapon sa 94th NCAA women’s volleyball tournament sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Hinataw ni last year’s Finals Most Valua­ble Player (MVP) Regine Arocha ang 14 points, kasama ang siyam na spikes, apat na service aces at isang block upang tulungan ang defending champions Lady Chiefs na ilista ang malinis na pitong panalo.

Tumibay ang kapit ng Arellano U sa tuktok, nasa likuran nila ang mahigpit na karibal na San Beda University Lady Red Spikers na tangan ang 6-1 card.

Halos hindi pinawisan ang Lady Chiefs sa pagkalos sa nagkukumahog na Lady Generals lalo na sa third set na milya ang agwat.

“Pinaalala ko sa mga bata kung ano yung target namin para sa game na ito. Siyempre, gusto naming itaas lalo yung morale namin,” saad ni head coach Obet Javier.

Nagtala sina Nicole Ebuen at Princess Bello ng tig-siyam at pitong puntos ayon sa pagkakasunod para sa Lady Chiefs na lumalapit sa pagsilo ng back-to-back titles.
Namuno sa opensa para sa Lady Generals si Jaylene May Lumbo na may siyam na puntos habang tatlo ang inambag ni Mecca Magsino.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy