Una sa Balita

Armado na

0 458

Sa tatlong koponang huling sumali sa PBA, ang Phoenix Pulse ang pinakaagresibong magpalakas ng lineup. Ito ang dahilan kung bakit kasama sa itaas ngayon ang koponan sa Philippine Cup.

Mas naunang su­mali sa liga ang Blackwater at ang Columbian, na unang nakilala bilang Kia, pagkatapos ay Mahindra. Habang nakakatatlong palit na ng pangalan ang Columbian, stick to one ang Blackwater, na natanggap sa liga bilang isang expansion team.

Parehong unang nag­laro sa liga ang Blackwater at Columbian noong 2014 season samantalang noong 2016 naman nakasali ang Phoenix. Nabili ng Phoenix ang franchise ng Barako Bull.

Ang tinitignan ngayon ng madlang tao ay kung kailan papalararin ang tatlong koponan na manalo ng titulo. Mahirap manalo sa PBA dahil taon-taon ay nagpapa­lakas ang lahat halos ng koponan. Pero heto at kasalukuyang nakikipagbakbakan sa itaas ang Phoenix.

Suwertihin kaya sa taong ito ang koponan?

Maraming beses na nating nasulat sa pitak na ito na walang puwang sa PBA ang koponan na kaya lang nasa liga ay para ma­ging instrumento ng ibang koponan sa pagpapalakas. Hindi na natin sasabihin kung alin sa mga koponang nasa liga ngayon ang ganun ang papel sa buhay.

Sabihin na lang natin na habang hindi sila nagiging kasing agresibo ng Phoenix sa pagpapalakas, sa kangkungan sila palaging pupulutin.

Habang sinusulat ito ay hindi pa nakakalaban ng Phoenix ang mga higante sa PBA. Pero hindi magiging katataka-taka kung sa kanilang paghaharap ay mabulaga ang ilan sa mga higante ng liga.

Sabihin na lang natin na armado na nga­yon ang Phoenix at desidido itong banggain ang mga siga sa PBA. Desidido itong ipakita na kaya ito nasa liga ay para manalo at hindi para maging kasangkapan ng ibang mga koponan.

Kailan kaya mangyayari na ang tatanghaling kampeon ay isa sa Phoenix, Blackwater at Columbian? Sa opinyon ng iba, hindi pa kumpletos-rekado ang tatlo para maging kampeon.

Pero hindi ako magtataka kung Phoenix ang unang makalasap ng kampeonato sa tatlo. Sabi ko nga, armado na ito sa laban at desididong ipakitang wala itong kinatatakutan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy