Una sa Balita

Argosino, Robles pinakakasuhan sa P50M kotong scandal sa Immigration

By
0 18

Inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee na kasuhan ang mga sangkot sa P50 million bribery/extortion scandal sa Bureau of Immigration (BI).

Sa 31-pahinang committee report, pinasasampahan ng kasong plunder o pandarambong, direct bribery o pangingikil at katiwalian sina dating BI Deputy Commissioners Atty. Al Argosino at Atty. Michael Robles. 

Nakasaad din sa report, na dapat maharap sa kasong direct bribery si dating BI Intelligence chief Charles Calima habang corruption of public officials naman ang inirekomendang isampa laban kay Wally Sombero. 

Si Sombero ang itinuturong bagman ng gambling mogul na si Jack Lam at sinasabing nagbigay ng pera sa mga BI officer. 

Base sa impormasyon, tumanggap umano ng P50 milyon sina Argosino at Robles sa kampo ni Lam kapalit ng kalayaan ng 600 sa 1,316 Chinese national na inaresto sa casino nito dahil sa kawalan ng mga papeles. 

Inaresto ang mga Chinese national noong Nobyembre 24 matapos salakayin ng mga awtoridad ang Fontana Leisure Parks and Casinos sa Clark, Pampanga.