Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Araw ng pagtupad sa mga pangarap

0 104

Tinuturing ang araw na ito bilang ‘Make Your Dreams Come True Day’ o araw na kailangang tuparin ang mga pangarap gaano man ito kalaki o kasimple, lalo na kung lagi tayong nagpo-procrastinate o nagpapaliban para simulan ang ating mga goal.

Sa araw na ito, kailangan na itigil ang pangangarap at sa halip ay gumawa na ng hakbang para tuparin ang mga ito.

Magandang simulain ito lalo ngayong nagsisimula pa lang ang taon, at marami sa atin ay ‘on fire’ pa para gawin ang mga nilista nating goals para sa 2021. Paano ba natin dapat ipagdiwang ang araw na ito?

Maaari kang magsimula sa paglapit sa mga taong nagbibigay sa iyo ng inspirasyon. Malaki umano ang maitutulong nila para magbigay sa atin ng motibasyon o lakas para mas maging pursigido sa pag-abot ng pangarap.

Halimbawa nito ay mga iniidolo natin sa larangan na gusto nating abutin, o pwede rin naman na taong mas malapit sa atin tulad ng kaibigan o pamilya.

Pwede ring gumawa ng mind map o dream board na naglalaman ng mga imahe o salita tungol sa mga pangarap mo.

Gumawa ka rin ng plano at magtakda ng deadline kung kailan mo dapat na matapos ang mga gusto mong gawin.

Walang tala kung kailan nagsimula ang selebrasyon sa araw na ito pero marami ang naniniwala sa mga nagdiriwang nito na mas mahalaga ang pagsisimula sa pag-abot ng pangarap ngayon kesa sa pagpaplano lang kung paano ito gagawin.

Dapat din umano nating tandaan na ang mga pangarap ay nagbibigay sa atin ng direksyon upang gawin ang isang bagay, habang ang hiling, na kapareho nito ngunit may pagkakaiba pa rin, ay pagnanais lang ng isang bagay o pangyayari.

Kaugnay pa rin ng pagtupad ng mga pangarap o hiling natin, may isang organisasyon na nagbibigay katuparan sa mga wish. Ito ang Make A Wish Foundation.

Layunin ng grupo na ibigay ang mga hiling ng mga kabataan na mayroong kritikal na karamdamam.

Sa kanilang website, makikita ang mga simpleng pangarap o kahilingan pero mahalaga sa buhay ng mga batang humihiling ito.

Ilan sa kanilang mga hiling ay magkaroon ng Barbie dollhouse, tablet, bisikleta, at laruan, mga bagay na maliit man sa mga nakatatanda pero para sa kanila ay magdudulot ng kasiyahan habang sila ay nakikipaglaban sa karamdaman.

Maaaring bisitihan ang website ng organisasyon para malaman pa ang detalye sa paghiling at pagtupad ng mga ito. (Gel Manalo)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.