Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Araw ng mga Kababaihan

0 187

Espesyal na araw po ang March 8 sa buong mundo dahil ito ang International Women’s Day.

Dito sa Pilipinas, hindi lamang po isang araw kundi itinalaga ang buong buwan ng Marso para kilalanin ang iba’t ibang papel ng mga kababaihan sa ating lipunan.

Sa ilalim po ng Proclamation No. 227, s. 1988, kinikilala ang natatanging papel ng mga babae, lalo na ang mga kababaihang manggagawa, sa kasaysayan ng Pilipinas.

Samantala, idineklara naman po ng Proclamation No. 224, s. 1988, ang unang linggo ng Marso bilang Women’s Week at ang March 8 bilang Women’s Rights and International Peace Day.

Higit sa lahat, isinasaad po sa Republic Act No. 6949 ang pagdiriwang ng National Women’s Day bilang Working Special Holiday sa buong bansa.

Kaya sa inyo pong lahat: Mommy, Nanay, Ate, Sister, Ditse, Tita, Ma’am, Ginang, Binibini, o anupaman pong tawag sa inyo, salamat po.

Saksi po ako sa araw-araw na kabayanihan ng mga babae – mula sa aking asawa, mga katrabaho, mga frontliner, guro, negosyante, tindera, manggagawa, at mga nakakasalamuhang mga lider-kababaihan.

Mga babae po ang karamihang nanguna sa giyera laban sa pandemya at imposible po tayong manalo kung wala sila.

Sabi nga po, “women’s power is truly a great force for change.”

Makakamit po ito kung bibigyan sila ng pantay na oportunidad sa buhay, edukasyon at training, trabaho at higit sa lahat sa mga susing posisyon sa gobyerno, akademya, pribadong sektor, at mga people’s organization.

Isa po tayo sa nagsulong ng Magna Carta of Women o Republic Act No. 9710 sa mababang kapulungan bilang CIBAC Party List Representative.

Bilang kalihim ng TESDA, tiniyak nating mabibigyan ng training ang mga kababaihan sa mga trabahong dati rati’y itinuturing na mga panlalaki lamang tulad ng welder, automotive servicing, at driver.

Hindi po dapat kasarian ang batayan ng trabaho kundi ang kakayanan at talento ng mga Pilipino.

Dahil dito, nagbukas ng mga posisyon para sa linewomen ang Meralco at nakapagpadala pa tayo ng libo-libong female technician sa Dubai para sa electrical installation and maintenance, plumbing, refrigeration and air conditioning.

Sa mahigit 10 milyong Pilipinong nabigyan natin ng training noon, mahigit kalahati po ay mga kababaihan.

Isa rin po sa paborito nating programa ang TESDA-Coke STAR Program na nagbigay ng training at hanapbuhay sa 200,000 mga kababaihang sari-sari store owners sa bansa.

Bilang inyong Empleyado sa Senado, binibigyan po natin ng pagtatangi ang mga kababaihan sa ating mga isinusulong na mga batas.

Kapag makikinabang ang mga kababaihang manggagawa, hindi po tayo nagdadalawang isip na magsulong ng mga panukala.

Mga female workers po ang inspirasyon natin sa naisabatas nating Work-From-Home Law para tiyaking pantay na magagampanan ng mga kababaihan ang pagiging ilaw ng tahanan at bilang manggagawa.

Sa ilalim ng RA 11210, pinalawig po natin ang Maternity Leave benefits mula 60 days hanggang 105 days para mapahaba ang panahong maigugugol ng isang nagtatrabahong ina sa kanyang bagong silang na sanggol.

Mula taong 2005 hanggang ngayon, hindi po tayo natitinag na ipaglaban ang pantay na karapatan ng mga babae pagdating sa usapin ng “marital infidelity”.

Sa ilalim po ng Senate Bill No. 617 o “Anti-Marital Infidelity Act”, gusto po nating itama ang “bias” sa mga kalalakihan ng Revised Penal Code kung saan mas mabigat ang parusa sa adultery kumpara sa concubinage.

Patuloy din po nating isinusulong ang panukalang magpapalawig sa mga prohibited acts sa diskriminasyon sa mga kababaihan sa trabaho.

Naniniwala po tayo na sa pag-angat ng antas ng mga babae sa lipunan, aangat din po ang buong bayan.

Maligayang Araw po ng mga Kababaihan. Nawa’y patuloy po kayong pagpalain ng ating Panginoong Diyos.

senatorjoelvillanueva@yahoo.com

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.