Una sa Balita

Araw ng Kalayaan, araw ng muling paglaban

0 285

Noel Cabangon

Tila nalilito na ako kung tayo nga ba’y malaya.
O ginugunita lang natin ang kalayaang ipinaglaban ng ating mga ninuno mula sa mga dayuhang Kastila o ginugunita natin ang alaala ng pagkakamit nito dahil sa tila pag-asam ng paglaya sa kamay ng dayuhang Tsino?

Pakiramdam ko tila hindi pagdiriwang ang pakiramdam kundi paglaban muli.

Pag-alim­puyo ng damdaming nininingasan ng mga pangyayari kung saan ang ating karapatan sa teritoryo ay niyu­yurakan. Nilalapastangan ang ating karagatan. Pinanghihimasukan ang ating kabuhayan. At tila pagsunud-sunuran ng pamahalaan at tila mas ipinagtatanggol pa ang mga dayuhang Tsino, kaysa sa sari­ling kababayan.

Pano ba tayo napunta sa ganitong kalagayan? Tila pa­ngalawang benta­han din ito ng ating bansa. Ibinenta noon nina Aguinaldo sa Amerika ang ating bansa. Nga­yon naman ay tila inuunti-unti tayong ibinibenta sa mga dayuhang Tsino.

Malinaw na malinaw, singlinaw ng ating karagatan ang paglapasta­ngang ito. Mula mga malalaking clam, buhangin, at mga yamang dagat. Ang pagbabawal sa mga mangingisdang Pinoy na makapa­ngisda nang malaya.

Kung kaya ang diwa ng Araw ng Kalayaan ay ‘di para ipagdiwang kundi gunitain ang dahilan ng paglaya. Ang dahilan ng pag­laban.

Nawa’y tumimo sa isip ng bawat Pilipino ang aral ng araw na ito sa ating kasaysayan. Mag-isip at mapagbantay. Magtanong at usisain ang ating mga sarili kung bakit hinahayaang mangyari ang mga ganitong kalapastanganan.

Ang araw ng kalayaan, ay araw ng muling paglaban. Ay araw ng pagpig­las sa mga pambubulag at pang-iinsulto sa ating talino at kakayahan. Araw ng paglaya sa kabuktutan at kasinungalingan!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy