Una sa Balita

Araw ng Kagitingan

By
0 448

Sa darating na Lunes ay gugunitain na­ting muli ang katapangan at kabayanihan ng mga nag-alay ng kanilang buhay noong ika-9 ng Abril 1942 upang makapaghandog sa atin ng kasarinlan at kalayaang ating tinatamasa.

Ang ating kasaysayan ay puno ng napakaraming halimbawa ng kaba­yanihan subalit ang pagbagsak ng Bataan ay nananatiling isa sa mga pinakamahalagang yugto. Wala tayong dapat na maram­daman kundi pasasalamat at pag­hanga para sa mga Filipinong lumaban at namatay sa pagtatanggol sa ating kalayaan.

Ang ating mga aklat sa kasaysayan ay hindi kailanman nali­limutang ibahagi ang malungkot na trahedya ng Death March.

Suba­lit nakalulungkot isipin na ang mga istoryang ito ng kabayanihan ay nagiging mga detalye na lamang na dapat tandaan ng mga mag-aaral upang makapasa­ sa pagsusulit sa klase nila sa kasaysayan. Ang pagpapahalaga at malalim na pag-una­wa sa tunay na diwa ng Araw ng Kagiti­ngan ay tila nasasantabi na.

Hinihintay na lamang ang Abril 9 taon-taon hindi dahil nagpapaalala ito ng kadakilaan ng ating mga ninuno kundi dahil sa holiday ang araw na ito at walang pasok o walang trabaho.

Tila nawawalan na tayo ng pakialam sa dakilang sakripisyo ng Araw ng Kagitingan. Nais kong hikayatin ang mga may pamamaraan na makapagpahayag na magsalita at sumulat tungkol sa araw na ito at ipaalam sa ibang Fili­pino kung paanong binago ng Araw ng Kagiti­ngan ang buhay ng mga nagdaan, kasalukuyan at panghinaharap na buhay na­ting mga Filipino.

Bagaman at ma­raming pamamaraan na ang pandaigdigang komunidad upang mapayapang mapag-usapan ang mga hindi napagkakasun­duang usapin sa pagitan ng mga bansa, walang sinuman sa’tin ang makapagsasabing kailanman ay hindi na mauulit ang mga digmaan.

Kung kaya nga lubhang napakahalaga na maituro at mapalalim ang mga katangi­an nating mga Filipino na nagpadakila sa ating lahi – ang ating katapangan, ang ating pagmamahal sa bayan­ at ang ating pagtata­ngi sa buong sangkatauhan. Ang sistema ng ating edukasyon na magpapalago ng ating pagkamakabayan ay isang napakahalagang sangkap upang maisakatuparan ang la­yuning nabanggit.

Huwag sana nating hayaan na ang diwa ng Araw ng Kagiti­ngan ay mapadpad sa gilid ng ating pinag-isang alaala.

Pag-alabin natin ang ating likas na kabayanihan at patuloy tayong sumulong sa daan ng pagkakaisa, pag-unlad at kapayapaan, tangan ang mga ginintuang aral ng ­ating kasaysayan.