Una sa Balita

Aral mula kay Vinta: Baguhin ang kahandaan 

By
0 2,010

Noong isang linggo pinag-usapan natin ang dalawang huling bagyong nanalanta sa ating mga kababayan bago matapos ang 2017. 

Magkakasunod na umatake sina Urduja at Vinta sa ating mga kababayan sa Visayas at Mindanao noong Disyembre. Kaliwa’t kanang mga bahay na nasira — mga pamilyang kinailangang lumikas sa kanilang mga tahanan para mag-Noche Buena sa mga evacuation centers. Nakakaloka. 

Naalala ko ang sabi ni VP Leni Robredo sa radio show niyang BISErbisyong Leni, “talagang matindi kasi iyong panahon na sana nagsasaya tayo lahat, iniisip natin iyong mga kababayan natin na nawalan ng bahay.”

“Pagkatapos ng Urduja, kasunod na iyong Vinta, at iyong Vinta naman ang nasalanta iyong Mindanao. Kaya pagkatapos na pagkatapos naman ng New Year, mayroon na naman kaming teams na pumunta sa CARAGA,” kuwento ni VP Leni.  

Tulad ni Urduja, isang tropical depression noong una si Vinta. Lumakas ito, nagkaroon pa nga ng international name na Tembin dahil patuloy itong lumakas at tumama sa ibang bansa tulad ng Vietnam. 

Malaki ang pinsala ni Vinta sa Mindanao, lalo na sa Agusan del Sur, Lanao del Norte, at Lanao del Sur. Kaya pagkatapos naming maghatid ng tulong sa mga nasalanta ni Urduja sa Eastern Samar, dumiretso ang Angat Buhay sa mga naapektuhan ni Vinta. 

Food packs, hygiene kits, malong, at plastic mats ang pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayang pansamantalang nasa mga evacuation centers kapag may ganitong sakuna. 

Dala namin ang mga ito, pati ang 300 na sako ng bigas para sa mga pamilya sa probinsya. Naalala ko talaga habang nag-aabot sa ating mga kababayan ang pakiramdam na dito sa mga ganitong pagkakataon natin makikita ang bayanihang Pinoy. 

Kung hindi dahil sa pakikipagtulungan ng mga local government units, hindi natin maiaabot ang mga tulong na kailangan ng ating mga kababayan. 

Habang isa-isa kong nakikitang paunti-unting ngumingiti ang mga naabutan ng tulong, medyo nalulungkot din ako dahil alam kong marami pa tayong mga bagyong pagdadaanan.

Nakakalungkot lalo kung iisipin na tuwing may bagyo o sakuna tayong mararanasan, parang hindi naiiwasang may mga kababayan tayong namamatay. 

Sa mga probinsya ng Lanao, may higit na 26 kataong binawian ng buhay dahil kay Vinta. 

Totoo, kaya nating tulungan ang bawat kababayan nating biktima ng sakuna. Pero kailan kaya darating ang panahong wala nang mamamatay dahil nalunod sa tubig baha o natabunan ng gumuho na lupa?

Sa kabila ng lahat ng relief operations ng Angat Buhay, naniniwala talaga ako na kailangang baguhin ang mga polisiya para buo nang mapigilan ang pagkamatay ng ating mga kababayan tuwing may sakuna. 

Parang tanong ni VP Leni, “Siguro tatanungin natin iyong sarili natin, ano iyong nangyari kung bakit maraming namatay? Kasi for a long time, parang iyong parati nating tina-target sana zero casualties, pero ngayon maraming namatay, lalong-lalo na sa Mindanao.” 

Kasabay ng patuloy nating pagtulong sa mga kababayang naapektuhan ng sakuna, dapat siguraduhin nating maayos ang Disaster Risk Reduction Management (DRRM) ng bawat barangay. 

Tama ang sabi ni VP Leni, “Siguro panahon din para balikan natin iyong mga DRRM na mga polisiya, mayroon na tayo nitong mga nakalista na kailangang gawin, pero kung titingnan natin, napakarami pa ring namatay.”

Hindi natin mapipigilan ang nakakawindang na dagok ng kalikasan kaya kailangan handa tayong tumulong sa ating kapwa.

Pero sa mga bagay na kaya na nating ihanda para makatulong makabawas sa pinsala, sana simulan natin ngayon na. Para kung bukas may bagong hamon na naman (knock-on-wood), handa na tayo, at wala nang mawawalang buhay. 

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kompanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kaniya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-705-0273.