Una sa Balita

Aquino ng NFA resign na

0 1,222

Dalawang senador na ang nanawagan para magbitiw sa puwesto si National Food Authority (NFA) Admi­nistrator Jason Aquino dahil sa palpak na pamumuno sa kanyang ahensiya.

Binakbakan ng mga mambabatas sa pagdinig ng Senate committee on agriculture si Aquino dahil sa pahayag nito sa publiko na paubos na ang buffer stock ng NFA. Dahil sa kanyang ginawa ay biglang tumaas ang presyo ng commercial rice.

Nagdulot ito ng pagkabahala sa mga ordinaryong mamamayan lalo na ang mga mahihirap na umaasa sa murang bigas ng NFA. Pati ang mga mambabatas ay mistulang nag-panic kung kaya’t nagpatawag ng imbestigasyon para malaman mula mismo sa NFA kung ano ba talaga ang kasalukuyang sitwasyon sa supply ng bigas sa buong bansa.

Mandato ng NFA na siguraduhin ang seguridad sa pagkain. Pero sa ginawa ng ahensiya ay maraming mahihirap ang naapektuhan. Sila pa ang naging dahilan para tumaas ang presyo ng commercial rice sa merkado.

“Kaya kung mayroon siguro siyang delicadeza o konsensiya… siguro puwede naman siyang magbitiw,” sabi ni Senador Grace Poe.

Maging ang Malacañang ay pinayuhan na rin ang mga opisyal ng pamahalaan na kung nahihirapan sa kanilang pagsisilbi sa taumbayan ay makabubuti pang magbitiw na lang at maghanap ng ibang mapapasukan.

Hindi pa diretsahang tinukoy ng Palasyo ang administrador ng NFA. Kung hindi manhid si Aquino ay maiintindihan niya kaagad ang ibig sabihin nito na lumayas na siya sa puwesto.