Una sa Balita

Aquino kina Bongbong, Enrile: Wag sinungaling sa libong namatay kay Marcos

0 916

BINATIKOS ni dating­ Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang diumano’y pambobola nina dating Senador Juan Ponce Enrile at Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na walang naganap na masaker at mga pag-aresto noong panahon ng Martial Law sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Ayon kay Aquino, hindi maitatago ang katotohanan hinggil sa mga naganap noong panahon ng Martial Law sa buong Pilipinas lalo pa at mayroong batas na naglalaan ng kabayaran para sa mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao.

Sinabi ito ni Aquino sa panayam ng mga mamamahayag matapos dumalo sa isang misa para sa ika-46 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ni da­ting Pangulong Ferdinand Marcos.

“Merong batas na Human Rights Compensation bill na binabayad doon sa lahat ng mga biktima ng human rights abuses noong panahon ng batas militar,” ayon kay Aquino taliwas aniya sa mga sinabi ni Enrile.

Inihayag ni Enrile sa kanilang pag-uusap ng batang Marcos na ipinost ng huli sa kanyang social media account na walang inaresto noon dahil lamang sa pagbatikos kay Marcos at wala ring naganap na masaker hindi aniya katulad ng nangyari sa Mendiola noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino.

“May edad na si Senator Enrile pero hindi naman siguro pwedeng gawing parang dahilan ‘yun para maniwala tayo sa gusto nyang pagbabago ng katotohanan. Pwede nating unawain pero pasensya na, ang totoo ay totoo, ang pambobola ay pambobola pa rin,” ayon naman kay Aquino.

Si Enrile ang defense minister ni dating Pangulong Marcos noong idineklara ang Martial Law.