Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Apple cinnamon roll: Sarap na, pang-negosyo pa

0 93

Ipinatikim sa akin ng isang dalagang kapitbahay ang kanyang ginawang cinnamon rolls. Ginaya lang daw niya sa Youtube pero inadjust niya ang ingredients. Nilagyan niya ng green apples at binago niya ang ilang ingredients para mas sumarap at hindi masyadong matamis. Sabi ko sa kanya, puwede nang gawing pang-negosyo. ‘Yun nga raw ang balak niyang gawin kaya nagpa-taste test muna siya.

Para sa gagamiting gatas, mas maganda aniya ang whole milk para sa cinnamon recipeng ito. Pero ok din naman ang 2% milk. Huwag lang daw bababa sa 2% dahil mahalaga ang fst content para mas maging malinamnam, mamasa masa at maganda ang pagkaka-bake ng cinnamon rolls.

Sa arina, kung walang all-purpose flour, puwede rin ang bread flour para medyo mas maputi ang kalalabasan ng cinnamon rolls. Puwede rin ang healthier option na whole wheat flour.

Mas masarap din kung salted butter ang gagamitin. Light brown sugar naman para sa pampatamis. Kung ang gustong lasa ay parang mollasses, dark brown sugar ang gamitin.

Sa cream cheese, piliin ang full fat o light cream cheese. Kapag mas mataas ang fat content, mas masarap ang lasa.

Narito ang paggawa ng apple cinnamon rolls. Kailangan ng:
1/2 kilo arina
1 kutsarang instant yeast
8 kutsarang asukal
1 kutsaritang asin
5 kutsarang gatas
1/2 tasang shortening
1 tasang tubig
1/4 tasang tinunaw na butter
2 green apple na babalatan at icha-chop
1 kutsarang cinnamon
5 kutsarang brown sugar
1 bar na cream cheese
1/2 tasang confectioners’ sugar

Sa isang mixer, paghaluin ang arina, yeast, asukal, asin, gatas, shortening at 3/4 ng tubig. I-mix hanggang makalikha ng malambot na dough. Dagdagan ng tubig kung kinakailangan.

Masahin ang dough hanggang maging makinis at elastic. Ilipat sa isang minantikaang bowl at takpan ng katsang binasa. Hayaang umalsa hanggang maging doble ang laki nito, sa loob ng 1 oras.

Irolyo ang dough sa isang rectangular sheet. Ibrush ng tinunaw na butter. Sa isang maliit na bowl, paghaluin ang hiniwang mansanas, cinnamon, at brown sugar. Ikakalat naman ito sa ibabaw ng dough.

Irolyo ang dough. Pindutin ang mga dulo para maiselyo. Hiwain ng 12 piraso. Ilagay sa isang minantikaang kuwadradong pan. Paalsahin ng mga 30 minuto.

I-bake sa preheated oven na nasa 350 degrees Fahrenheit hanggang maging golden brown.

Para sa frosting, batihin ang cream cheese kasama ang asukal. Ipahid sa ibabaw ng cinnamon roll.

Ready na ang masarap na pang-business!

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.