Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Apo kinawawa, tatay binaril anak sa galit

0 87

Binaril at nasugatan ng isang ama ang kanyang anak matapos siyang saksakin nito sa kamay habang nagtatalo sila dahil pinagpapalimos umano nito ang kanyang apo sa Makati City noong Sabado.

Isinugod sa Ospital ng Makati ang mag-amang Juancho Antonio, 62-anyos at anak na si Jeffrey, 28, vendor, kapwa residente ng Block 93, Lot 24, San Francisco St. Brgy. Rizal, Makati City dahil sa tinamo nilang mga sugat.

Sinabi ni Dr. James Bravo na parehong nasa ligtas na kalagayan sina Juancho na nagtamo ng sugat sa kanang kamay at Jeffrey na nasugatan sa braso mula sa pamamaril ng ama.

Sa report, parehong nakainom ang mag-ama nang magtalo sila sa loob ng kanilang bahay bandang alas-8:45 ng gabi. Nagalit ang matandang Antonio nang malaman nitong namamalimos sa kalye ang kanyang apo na anak ni Jeffrey.

Ayon kay Lilia Balanon, nakita niyang pumasok sa kanilang kuwarto ang live-in partner niyang si Juancho, kinuha ang cal. 38 revolver nito at pinaputukan ng dalawang beses si Jeffrey. Isa rito ay tumama sa braso nito.

Tumakbo si Jeffrey palabas ng bahay para tumakas nang makita siya ng mga tauhan ng nagpapatrolyang Bantay-Bayan. Nadakip si Juancho at kinumpiska ang baril nito na may laman na dala­wang empty shell at apat na live bullet.

Leave A Reply

Your email address will not be published.