Una sa Balita

Apela kay Duterte: PLDT-MVP kastiguhin, sampolan sa Endo

By
0 1,795

NANANAWAGAN kay Pangulong Rod­rigo Duterte ang mga tinanggal na manggagawa ng Philippine Long Distance Telephone (PLDT) Company.

Hiling ng mga trabahador kay Duterte na kastiguhin ang bosing ng naturang kompanya na si Manny V. Pangilinan bunsod ng pagmamatigas sa usapin ng ‘endo’ o contractualization at labor-only contracting gayundin sa pagsibak ng libo-libong manggagawa.

Nitong Miyerkoles, Hulyo 18, kasama ng mga kongresistang mi­yembro ng Makabayan bloc ang tagapangulo ng PLDT Organization of Workers and Emplo­yees for Rights (PO­WER) na si Dan Nazario nang ihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Resolution (HR) No. 2013.

Ang Makabayan bloc ay binubuo nina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, ACT Teachers­ Reps. Antonio Tinio at France Castro, Gabriela­ Women’s Party Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas, Anakpawis Rep. Ariel Casilao at Kabataan Rep. Sarah Elago.

Sa pamamagitan ng resolusyon ng mga Ma­kabayan solon ay inaatasan ang House Committee on Labor and Employment na imbestigahan ang malawakang tanggalan ng mga empleyado ng PLDT gayundin ang patakarang ‘endo’ na pinatutupad ng kompanya.

“Sa resolusyon po na ito tumaas po ang morale namin sa laban na ito na ipagpatuloy ang laban na ‘to hanggang ma-regular kami. ‘Yung mga kasamahan ko po ibinibigay po nila ang suporta sa laban na ito. Sana po dumami pa po kami, ang mga manggagawang natanggal na sumama sa amin at ilaban ang regularisasyon,” dagdag ng pinuno ng POWER.

Matatandaan na ilang beses nang naglabas ng direktiba ang Department of Labor and Employment (DOLE) laban sa PLDT pero hindi pa rin tumatalima ang kom­panya na ibalik sa trabaho at gawing regular ang mga kawani nito.

Sinabi ni Nazario na ano mang magiging resulta sa aksiyon ng DOLE patungkol sa gu­sot ng PLDT ay magi­ging magandang halimbawa sa mga kaso ng iba pang kontraktuwal na manggagawa.

“If President Duterte is really serious in en­ding contractualization, then he must ‘show some teeth’ in forcing Manny Pangilinan to start regularizing its contractual workers in the soonest possible time,” pahayag pa ni Nazario.