Una sa Balita

Apektado si nanay sa pagragasa ng TRAIN

0 1,240

Dear Senator Risa,

Usap-usapan ngayon ang epekto ng TRAIN Law sa bansa. Mas mataas na suweldo raw ang makukuha ng asawa ko na isang security guard at may minimum na pasahod. May mga nagsasabi naman na tataas daw ang mga bilihin. Tatlo ang aming anak, isang high school at dalawang nasa elementary. Apektado ba ang mga katulad na­ming mahihirap sa bagong batas na ito?

Teresa Domingo
Tondo, Maynila

***

Dear Teresa,

Batid ko ang alinla­ngan at pangamba ng mga nanay sa mga ganitong balita dahil tayo ang nagba-budget ng perang panggastos araw-araw ng ating pamilya. Malaki ang epekto ng pagpasa ng TRAIN o ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law sa mga ordinaryong tao.

Ginusto ng marami ang pagkakaroon ng bagong tax law dahil sino ba naman ang aayaw sa mas malaking maiuuwing pera para sa kanilang pamilya. Subalit hindi nila alam na sa konting paglaki pala ng kanilang take-home pay ay kakambal ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin na ating ginagamit araw-araw.

Nais ko lang linawin na ang iyong asawa na minimum wage earner ay matagal ng exemp­ted sa withholding tax bago pa man tumakbo ang TRAIN. Sa pagragasa ng TRAIN, isa sa mga maaapektuhan ay ang presyo ng kuryente. Inaasahang mas tataas ang presyo nito kaya’t kailangang magtipid ni nanay sa paggamit ng mga de-kuryenteng appliances sa bahay. May mga magtitiis nalang magpaypay kesa gumamit ng electric fan. Mahirap ito sa paghagupit ng tag-init.

Apektado rin ng TRAIN ang presyo ng gasolina at krudo sa bansa. Dahil dito, maaaring tumaas ang pamasahe ni mister. May mga petisyon na ngayon ang iba’t ibang grupo ng mga drivers at operators sa pagtaas ng pamasahe.

Sa pagtaas ng kuryente at gasolina, laging kasabay nito ang pagtaas ng mga produkto sa merkado. Ang mga binibiling pagkain sa palengke at mga grocery items ay pihadong tataas din. Kailangang bantayan nang maigi ng ating gobyerno ang presyo hindi lamang ng pa­ngunahing bilihin kung hindi maging ang presyo ng kuryente, gasolina at pamasahe.

Malaki ang epekto ng TRAIN lalo na sa mga malalaking pamilya at sa mga taong kumikita na mas mababa kaysa sa minimum wage. Iyong mga nagtitinda ng mga produkto sa bangketa at kalsada na wala namang makukuhang tax exemption dahil hindi naman sila suwelduhan ay maaapektuhan ng malaki dahil ang kanilang mga binibili sa pang-araw-araw ay tataas.

Katanggap-tanggap sana ang TRAIN Law kung naisama ang aking mga panukala na ibaba ang VAT at ang pagkakaroon ng mas makabuluhang cash transfer program sa mga mahihirap na tatamaan nito.

Upang maibsan ang epekto ng TRAIN Law sa mga ordinaryong mamamayan, magpapanukala ako sa Senado sa pagbaba ng VAT mula 12% patungo sa 10%. Ang mga pang-araw-araw na produkto na ating ginagamit ay may patong na 12% VAT. ‘Pag bumaba ito sa 10% ay bababa ang presyo ng mga produkto at mababawasan ang epekto bunsod ng TRAIN.

Sa mga nanay, huwag po tayong matakot magtanong at maging kritikal sa mga polisiya at batas na makakaapekto sa ating pamilya at lipunan.

***

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com