Una sa Balita

Apektado ng ASF! 300 baboy pinatay sa Pangasinan

0 356

SINAILALAIM sa culling o pagpatay ang nasa 300 baboy dahil sa banta ng ­African Swine Fever (ASF) sa dalawang barangay sa bayan ng Malasiqui, dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Kinumpirma ito ni Assistant ­Provincial Veterinarian officer Dr. ­Jovito Tabarejos, matapos na magpatawag ng emergency meeting si Pangasinan Gov. Amado ‘Pogi’ Espino III dahil sa muli na namang pagkakatala ng ASF sa ilang lugar sa Pangasinan.

Ayon kay Tabarejos, sa kanilang ­patuloy na pag-iimbestiga, ang pagkamatay ng ilang mga baboy sa Brgy. Linoc, Binmaley, natuklasan na galing sa bayan ng Malasiqui ang ilan sa mga ito na ­binili para sa isang kasalan subalit namatay na bago pa man makatay dahil sa sakit.

Aniya, galing ang baboy sa Brgy. Apaya, Malasiqui na nakapagtala rin ng pagkamatay ng mga baboy kaya’t kumuha rin sila ng mga blood sample kung saan ito ay nagpositibo sa ASF.

Ayon pa kay Tabarejos, pinatay na o sumailalim sa culling ang hindi bababa sa 300 baboy sa Brgy. Apaya at kalapit nitong Brgy. Tulong.

Sinabi ng opisyal na siniguro ang ayuda ng pamahalaang panlalawigan para sa mga apektadong hog raiser.
(Allan Bergonia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More