Una sa Balita

Anyare sa DepEd?

0 380

Sa harap ng sunod-sunod na anunsyo mga tsong ng #walangpasok sa mga paaralan sa ilang bahagi ng bansa dahil sa masamang panahon, mukhang may #walang-awa na nangyayari sa Department of Education (DepEd) pagdating sa mga libro na dapat sanang ipamudmod sa mga mag-aaral.

Pero bago ‘yan, nais lang nating magbigay-pugay sa isang beteranong kasama natin sa hanapbuhay na nagsara na ng kaniyang pahina nitong nakaraang linggo na si Ginoong Ariel Borlongan.

Marami ang nagulat sa biglaan niyang pagpanaw dahil sa sakit sa puso sa edad na 60-an­yos lang. Tubong Bulacan si Borlongan, isang manunulat, makata at mamamahayag. Marami rin siyang mga pahayagan na pinamunuan, kabilang na ang Abante.

Ngunit sabi nga, may katapusan ang lahat. Pero nawala man si Ariel, naiwan naman niya ang kaniyang mga isinulat at katha, tulad ng mga tula. Hindi naman talaga pahabaan ang buhay, sa halip ang mas mahalaga ay kung papaano ka maaalala kapag wala ka.

Ang lubos po nating pakikiramay sa mga naiwan ni Ariel Borlongan.

Samantala, habang nagpiyesta ang mga tamad na estudyante sa ilang araw na walang pasok nitong nakaraang linggo, lumabas naman ang ulat mula sa Commission ng Audit (COA) tungkol sa tila pagsasayang ng pera ng kagawaran sa pondong nakalaan sa mga librong dapat ipamigay sa mga estudyante.

Bukod sa tinatayang P254.253 milyon ng mga libro na tadtad daw ng mali na para sa mga Grade 3 pupil, aba’y mayroon pang mga instructional material na nagkakahalaga ng P113.708 milyon na hindi raw naipapamigay.

Puna ng COA, nakalusot ang mga kapalpakan sa mga libro kahit may tatlong proseso na raw na sinusunod para matiyak na maayos ang laman ng mga libro.

Mantakin niyo mga tsong, mahigit 1,300 daw ang maling mga impormas­yon sa mga libro. Aba’y tanong ng ating mga katsokaran, anyare? Samantalang naalarma naman ang COA sa laki ng halaga ng mga hindi naipamigay na instructional materials na tinatayang umaabot sa 3.4 milyong kopya. Anyare na naman DepEd?

But wait there’s more. May nasilip din daw si Senador Sonny Angara ng mga kapalpakan ng DepEd gaya ng halos 27 milyong libro na hindi rin nai­deliber, mga proyektong silid-aralan na hindi nagawa at ang iba eh inireport pa raw na tapos na. Mayroon pa raw 38.5 milyong textbooks and instructional/learning materials na dapat ibigay sa mag-aaral at guro pero 11.8 milyon lang ang naipadala; mga kagamitan para sa technical-vocational-livelihood (TVL) track na hindi rin naibigay para naman sa K to 12 program na katumbas ng 4,600 units at iba pa.

Ang matindi nito, sa bawat taon na ginagawa mga tsong ang pondo ng pamahalaan, laging una o ikalawa ang DepEd sa pinaglalaanan ng pinakama­laking alokasyon. Katunayan nitong 2018, P553.31 bilyon ang inilaan sa kanila. Pero papaano kaya matitiyak na hindi nasasayang ang kanilang pondo lalo pa’t napakarami nating hikahos na estudyante?

Marahil pagdating sa mga silid-aralan na hindi nagawa, magbabatuhan ng sisi ang DepEd at Department of Public Works and Highways. Sa dami pa naman ng mga nangyaya­ring kalamidad ngayon, dapat maging masipag ang mga ahensiya at pati na ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapagawa at pagtatayo ng mga silid-aralan na ginagawa ring evacuation area.

At kapag walang librong magamit ang mga bata at walang silid-aralan na masisilungan, baka laging manalangin ang mga estudyante na umulan sana nang malakas araw-araw para araw-araw eh #walangpasok. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy