Una sa Balita

Anti-political dynasty bill, susi sa federalism

By
0 836

Kasado na sa Senado para isalang sa debate sa plenaryo ang panukalang batas laban sa political dynasty sa bansa.

Sa Senado ay umusad na sa komite at maiaakyat na sa plenaryo upang mag-debate ang mga senador sa nasabing isyu.

May posibilidad na makalusot sa Senado ang batas sa anti-poli­tical dynasty dahil kila­lang mas may delicadeza ang mga senador kahit pa tamaan sila ng batas na ito kung sakali.

Ang maaring tamaan ng batas sa anti-dynasty sa Senado ay sina Senator Cynthia Villar na ang kapatid ay mayor sa Las Piñas, Senator JV Ejercito ay parehong mayor ang ama sa Maynila at ina sa San Juan, si Senator Win Gatchalian ay mayor at kongresista sa Valenzuela ang kanyang mga kapatid, Senator Nancy Binay na ang ka­patid ay mayor ng Makati.
Si Senator JV ay nagsalita na at siya ay kontra sa dynastiya.

Maituturing na kakaunting senador lang ang apektado sa anti-political dynasty kumpara sa mga kongresista sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Kung sa Senado ay may pag-asang makalusot ang anti-political dynasty pero kabaliktaran ang kapalaran nito sa House of Representatives .

Mayorya kasi ng mga kongresista ay kabilang sa tinatawag na fat dynasties kung saan ay tinatayang nasa 3 o higit pa ang miyembro ng isang pamilya na may posisyon sa kanilang probinsya.

Hindi pa natin na­balitaan na nagpatibay ng batas ang mga kongresista na sila ang direktang tatamaan o maapektuhan.
Kung makakalusot ang anti-political dynasty sa Senado at Kamara at malalagdaan bilang batas ay asahan na mu­ling babalik ang mataas na tiwala ng publiko.

Mas mapapadali ang proseso sa pagpapalit ng sistema ng pamahalaan tungo sa federalism kaugnay ng panukalang Charter change.

Mawawala kasi ang hinala at persepsiyon ng taumbayan na pansari­ling interes lang ng mga mambabatas ang Cha-cha lalo na ang usapin sa pagpapalawig at pag-aalis ng limitasyon sa termino.

Pero kung hindi makakalusot sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang anti-political dynasty bills ay huwag nang suportahan ng tumbayan ang fede­ralism dahil tiyak na ang pansariling pakinabang ang mananaig dito at kawawa ang masang Filipino.