Una sa Balita

Anti-corruption campaign nasira kay Napoles

By
0 342

Lalong mahirap seryosohin para sa taumbayan ang anti-corruption campaign ng kasaluku­yang administrasyon sa pag­lalagay kay Janet Lim-Napoles sa ilalim ng witness protection program (WPP) ng DOJ.

Huwag na tayong magtaka kung lalong lalala ang katiwalian sa administrasyong ito dahil imbes na parusahan ang mga nagnakaw at nagpapakasasa sa pera ng bayan ay kinakanlong pa ang mga ito.

Nababalewala ngayon ang mga nakalipas na hakbangin upang papanagutin ang mga iilang nagnanakaw sa kaban ng bayan habang ang marami ay nananatiling mahirap.

Ramdam ang pagkadismaya ng taumbayan sa pagiging state witness ni Napoles na siyang utak ng pork barrel scam. Habang naging marangya ang pamumuhay na kanyang pamilya, marami naman ang naghihirap na siyang dapat na nakikinabang sa kaban ng bayan.

Hindi biro ang P10 bil­yon na sangkot sa scam na ito ni Napoles pero imbes na idiin ay binibigyan pa ngayon ng proteksyon ng administrasyong Duterte.

Yung mga nagnakaw ng isang lata ng meatloaf sa isang grocery dahil sa sobrang gutom ay kinasuhan para hindi na umulit.

Samantalang ang taong naging dahilan para mawalan ng P10 bilyon ang gobyerno ay pinoproteksyunan pa.

Hindi katanggap-tanggap ang desisyon ng DOJ na isailalim sa WPP si Napoles. Isa itong napakalaking sampal ito sa anti-corruption campaign ng Pangulo.

Anong mensahe ang gustong iparating ng DOJ sa pagbibigay ng proteksyon kay Napoles?

Lalo lamang lalakas ang loob ng mga mapagsamatala upang makipagsabuwatan sa mga kurap na opisyal para pagtulungan nakawin ang kaban ng ba­yan dahil hindi naman sila mapaparusahan.

Lalong kawawa ang taong bayan kapag nangyari ito dahil ibinubulsa ng mga tiwali sa gobyerno at iilang kasabwat ang kaban ng bayan.

Ang mga maliliit ang mga nabibiktima ng katiwalian.

Ano naman ngayon ang kapalit ng pagsasailalim kay Napoles sa WPP? Gagamitin si Napoles at ituturo na lamang ang kasinong mga pulitikong hindi nakikipagsayaw sa gusto ng administrasyong Duterte at pumupuna sa mga kamakailan ng mga taong gobyerno?

Ganito din ang ginawa ng administrasyong ito sa mga Bilibid druglords upang mapatahimik ang oposisyon. Habang ngayon, ang mga tunay na malalaking druglords ay inaabsuwelto.