Una sa Balita

Anong request mo sa Itim na Nazareno?

0 332

Noong Enero 9, nakikita na naman ang matinding debosyon ng marami nating tsokoran sa Itim na Nazareno. Pero malamang na mas maraming kahilingan ang ­ginawa ng mga kababayan ­natin sa pinaniniwalaang mapaghimalang imahen dahil sa rami ng nangyayari—hindi lang sa bansa natin kung hindi maging sa buong mundo.

Iyon nga lang, dapat ding maging mahinahon ang mga deboto ng Nazareno dahil sa ilang pagbabago na ­ipinatupad noong traslacion. Plinano kasi ng kapulisan na ayu­sin ang sistema sa “pagpasan” sa andas at nagbabato ng bimpo o panyo na ipapapunas sa imahe sa oras ng prusisyon.

Sa plano, sa likod na lang ng andas maaaring magsampahan ang mga tao at maging ang pagpapapunas.

Ibig sabihin, babanta­yan ng mga pulis at taong-simbahan ang harapan ng andas para magtuloy-tuloy ang paglalakbay ng imahen at nang mas mapaigsi ang oras ng pagbabalik nito sa simbahan ng Quiapo. Pinapaniwalaan kasi na ang kaguluhan sa harapan ng andas na bunga ng mga nagsasampahang mga tao at mga pumapasan ang dahilan kaya ­nagiging mabagal ang usad ng prusisyon at tumatagal sa kalsada ang imahen.

Nakita ng mga awtoridad na maaaring mapabilis ang traslacion kung magagawa rin ang sistemang ipinatupad noong nakaraang prusisyon sa “Pasasalamat” na naging maayos at mabilis ang biyahe. Ngunit ang ma­laking katanungan, kayanin kaya ng mga pulis at sundalong magbabantay ang rami ng mga taong inaasahang daragsa sa traslacion? Bukod doon, magkakaroon ng bahagyang pagbabago sa ruta ng prusisyon.

Sa halip na sa Jones Bridge na karaniwang ruta ng prusisyon, ­dadaan ito ngayon sa Ayala Bridge. Kaya mababawasan daw ng 300 metro ang ruta ng traslacion. Siyempre mga tsong, kapag nabago ang ruta, may mga lugar na dating dinadaan ang tiyak na hindi na madadaanan ngayon. Ang tanong—may gawin kaya ang mga nakatira sa mga lugar na ito para mapadaan pa rin sa kanila ang traslacion? Hindi ba’t nangyari na noon na nagkagulo-gulo ang prusisyon nang malihis din noon sa ibang ruta ang prusisyon. Tingnan natin mga tsong kung mauulit ito.

Pero dahil ang layunin naman ng mga deboto na sumasama sa traslacion eh ipagdasal ang kanilang mga personal na kahi­lingan at magpasalamat, aba’y isama na rin natin mga tsong ang panala­ngin ng “world peace.” Kabi-kabila kasi ang hindi magandang nangyayari sa iba’t ibang panig ng mundo– nasusunog ang kagubatan sa Australia; nakaamba ang bakbakan ng US at Iran at baka maki-join pa ang mga kapanalig nilang mga bansa; may misteryosong sakit na kumakalat sa isang lalawigan sa China; may mga bansang nalulubog sa baha; may parte rin sa mundo na dumaranas naman ng matinding init, at kung ano-ano pa.

Sa lahat ng pangyaya­ring iyan mga tsong, may mga kababayan din tayo na naapektuhan. Ang matindi, kapag lumalala ang iringan ng US at Iran, at madamay ang iba pang bansa sa Gitnang Sila­ngan, tiyak na maraming kababayan nating mga OFW ang maiipit at posibleng mapilitang umuwi.

Hindi lang iyon mga tsong, tiyak na ­matindi ang magiging epekto ng gulo sa presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado at lalatay iyon dito sa ating bansa.

Ngayon pa nga lang, umabot na raw sa $70 per barrel ang krudo sa world market, unang pagkakataon sa nakalipas na tatlong buwan. At ang pangamba ng isang eksperto, kung lalala ang banggaan ng US at Iran, baka umabot ang presyuhan ng krudo sa world market sa $90 per barrel. Kapag nangyari iyan, asahan na tataas din ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas; na susundan ng taas sa presyo ng transportasyon sa mga produkto at serbisyo, taas sa presyo ng mga bilihin, taas sa singil sa kuryente, na susundan ng panawagang fare hike at kung ano-ano pa. Pero suspindihin kaya ang TRAIN Law at VAT sa mga produktong petrolyo kapag sumampa sa $80 per barrel ang krudo?

Kaya marami sanang manalangin sa Nazareno na mag-kiss and makeup na lang ang US at Iran. Kasabay nito, bumuhos din sana ang ilan sa Australia para matigil na ang bushfire doon. Sabi nga nila—kapit lang, dasal lang. At sana kasama rin request natin ngayon ang paghupa ni Bulkang Taal! Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More