Una sa Balita

Anong oras na ba?

By
0 1,038

Nagising ako sa tunog ng aking cellphone. Sa pagkapa ko sa katabing lamesa, nalaglag ‘yung salamin at ilang libro na binasa ko sa nakalipas na mga araw. Minadali kong bumangon para sumagot… Pag-hello ko, sabi nung nasa kabilang linya:

“Mayor, ‘yung kapitbahay ko ang lakas ng videoke. Dito po ako nakatira sa Bermai. Pasabihan naman po. Ayaw magpatulog.” Sagot ko: “Ah o sige, tawagan ko ang night patrol natin.”

Pagbaba ng phone, napabuntong hini­nga ako. Tiningnan ko ang oras. Alas dos na pala ng umaga. ‘Yung kilabot, nawala na. Kala ko kasi life and death ‘yung tawag. Vi­deoke lang pala… ano ba ang gagawin ko. Ah ok… tatawag ako sa pulis para paikutan ang mga maiingay.

Teka, diba nai-post ko na ‘yung mga cell phone number nila sa Facebook account ko? Dapat rekta na nilang tawagan ang mga assigned na pulis. Naisip ko, baka hindi nila na-save ‘yung numero. Teka, diba mayroong umiikot na mga tanod sa barangay kung saan ‘yung lugar na maingay? Baka wala silang contact… o baka naman kamag-anak kasi nung nagbertday ‘yung tanod kaya hindi masita. Tapos, teka, diba magkapitbahay lang sila? Eh ‘di dapat magkakilala sila. At madali namang masabi ang problema… ‘di niya kayang sabihan ng maayos ang mga kapitbahay niya?

Ano kaya ang relasyon nilang magkapitbahay? Hindi niya puwedeng puntahan o tawagan at pakiusapan na hinaan ang kantahan dahil dis-oras na ng gabi? Kasi sa pangkaraniwan, pag alam mong nakabubulahaw ka na, ‘di ba tama lang na kusa ka nang titigil lalo at ikaw ay napakiusapan? Tapos pag hindi nakuha sa pakiusap, last resort parati ang gobyerno. Magsusumbong ka na para mangyari ang katahimikang iniibig mo.

Sa ganang akin, dahil binigay ko ang cell phone number ko, siguro sa pagiging desperado, damay na rin ako sa puyat. Bahala na si Batman. Pag na­gising ‘yun, tiyak na may resulta. Bakit ba hindi ko kasi patayin ang cellphone habang tulog? Gusto ko mang patayin, ‘di ko magawa kasi baka naman may emergency… sunog, akyat-bahay o anumang kalamidad na kailangan kong gawan ng aksyon nang agaran.

Pero naisip ko, madali namang iwasan ang ganitong eksena. Hindi naman mangyayari ito kung may pakikipagkapwa-tao tayo, kung may konsiderasyon ka sa kapwa mo, ‘yung respeto sa karapatan ng bawat isa na mabuhay ng tahimik at maayos. Puwede kasing ganti rin lang yan sa mga nagawa mong nakai­rita rin sa kanila noong nagdaang mga araw.

Puwede rin naman kasi na ‘yung pagkawalang konsiderasyon ay dala ng hindi magandang ugali sa araw-araw na kayo’y nagkikita.

Mababawasan ang sigalot sa simpleng pag-uusap at bigayan. ‘Yung hindi na kaila­ngan pang idaan sa mga legal na pro­seso o sumbong kay ma­yor. Pare-pareho lang naman tayong tao. Mapag-uusapan naman lahat ‘yan kung gugustuhin lang.
Makatulog na nga uli.