Una sa Balita

Anong nangyayari sa DOTr?

0 54

Isa ang Department of Transportation (DOTr) sa mga pangunahing tanggapan ng gobyerno na malaki ang papel na gagampanan sa ‘Build, Build, Build’ program ng administrasyong Duterte.

Pero, sa pagtalakay ng Senado sa panukalang budget ng DOTr para sa susunod na taon ay maraming nahihimay na isyu sa kanila si Senate President Pro Tempore Ralph Recto. Pawang may kinalaman ito sa malalaking proyekto ng DOTr na mayroon nang pondo pero hindi pa pala nasisimulan gawin ang iba.

Bukod pa diyan ang ibang programa o proyekto na nakatengga sa mga ahensyang nasa ilalim ng DOTr katulad ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Nakakalula ang budget na inilaan sa mga proyekto ng DOTr. Kaya may katuwiran din na kuwestyunin sila ng Senador dahil pera ito na galing sa kaban ng bayan.

Kabilang sa mga tinukoy ni Recto ay ang pagpapaayos sa mga tanggapan ng LTO at LTFRB. Ang mga hindi pa nasisimulang mga proyekto tulad ng MRT-BRT Line 1 sa Quezon Avenue, MRT Line 2 sa EDSA, ang mga plastic driver’s license, at mga hindi pa nailalabas na plaka ng mga sasakyan.

Anong nangyayari sa DOTr? Sa dami ng kanilang proyekto lumalabas na marami rin pala sa mga ito ay hindi pa nasisimulang gawin. Pero, inilabas na ang milyun-milyong pondo.

Isang matibay na halimbawa ay ang mga plate number ng mga sasakyan. Bakit hanggang ngayon nakatengga pa rin ito samantalang mayroon nang inilaan sa pondo para sa pagpapagawa ng mga plaka?

Kaya ang tanong natin ngayon ay kung anong nangyayari sa DOTr? Tambak ang kanilang mga proyekto pero nakabitin pa pala ang mga ito sa kabila ng mga anunsyo ng kagawaran para sa ‘Build, Build, Build’ program ng pamahalaan.