Una sa Balita

‘Ano ba ang kinatatakot ninyo?’

0 340

Ito ang tanong ni VP Leni Robredo kay Pangulong Duterte at sa administrasyon matapos bawiin ang ipinasa nilang trabaho sa kanya, 18 na araw pa lamang pagkatapos siyang italaga bilang co-chair ng Inter-Agency on Anti-Illegal Drugs at sa kasagsagan ng kabi-kabilang kapalpakan sa pag-organisa ng SEA Games.

Parang sirang plaka ang Pangulo sa kanyang “trust issues” umano kay VP Leni, ngunit gaya nga ng tanong ng Bise Presidente, bakit siya itatalaga kung hindi naman pala pinagkakatiwalaan? Kung para sa Presidente ay laru-laro at power play lang ang alok niyang ito, ibahin nila si VP Leni.

Walang sinayang na oras ang Pangalawang Pangulo simula nang italaga siya sa ICAD. Taliwas ito sa mga samu’t saring palusot at kasinungalingan na nanggagaling sa Palasyo para mangatwiran sa ginawa nilang desisyon.

Patutsada ni Secretary Sal Panelo, wala daw bagong progra­mang iprinisenta si VP Leni para solusyunan ang problema sa iligal na droga at isalba ang palpak na kampanya ng administrasyon. Hindi ito totoo.

Umpisa pa lang ay inilahad na ni VP Leni ang kanyang plano: ang gawing mas epektibo at makatao ang ­kampanya laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagtutok sa aspetong pangkalusugan, tulad ng prevention, rehabilitation, at reintegration. Dagdag pa rito, nais ni VP Leni na gawing community-based ang pagtalakay sa problemang ito, kaya niya kinonsulta ang iba’t ibang mga grupo at ahensiya ng gobyerno sa kanyang mga unang araw sa ICAD.

Katunayan nga, nagpadala pa si VP Leni ng dalawang report sa Malacañang ng kanyang mga rekomendasyon, at nangakong magpapadala ng lingguhang ulat. Ang sagot ng Palasyo? Masyado daw “busy” ang ­Pangulo para basahin ang mga ito.

Sabi pa ni Panelo, nakipag-usap daw dapat si VP sa mga komunidad at mga biktima ng drug war. Kung talagang nagbabasa at nanonood siya ng balita at may pakialam sa nangyayari sa bayan, alam dapat ni Secretary Panelo na ginawa at matagal nang ginagawa ito ni VP Leni. Sa maikling pananalagi niya sa ICAD, binisita ni VP Leni ang Brgy. Market 3 sa Navotas, ­Dinalupihan sa ­Bataan, at Brgy. Culiat at ­Tahanan Rehabilitation Center sa Quezon City.

Taliwas sa pahayag ng Malacañg, mismong tagapagsalita ng PNP ang nagsabi na wala silang nakitang “missteps” sa pamamalakad ni VP Leni, at bagkus ay nakapulot pa sila ng mga ideya mula sa kanyang adbokasiya ng community-based rehabilitation at isang mas transparent na kampanya.

Sa kabila ng mara­ming babala at hindi malinaw na saklaw ng kanyang ­posisyon, ­buong tapang na ­pinasan ni VP Leni ang trabahong ito at ­nakapagsimula ng makabuluhang pagbabago sa loob lang ng 18 araw. Isipin na lang natin kung ano pa ang pwede niyang gawin sa mas mahabang panahon. Ngunit sabi nga ni VP Leni—nagsisimula pa lamang siya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy