Una sa Balita

Ano ang pinakamabisang panlaban sa sakuna? Kahandaan

By , , , ,
0 939

Malaking balita ngayon sa buong mundo, hindi lang dito sa atin, ang kalamidad na dala ng Mayon Volcano sa probinsya ng Albay sa Bicol Region.

Noong 2013 ang huling eruption ng Mayon, pero sandali lang at kakaunti lang ang apektado, lalo pa’t biglaan ito at nagkataong may nasa paligid ng bulkan nang ito’y magsa­boy ng abo at bato.

Taong 2014 nang nakita ang muling pagbabad­ya ng Mayon ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). At ngayon ngang Enero 13 nang magsimulang manakot at tuluyang naghahasik ng lagim ang isa sa mga pinakamagagandang bulkan sa buong mundo.

Bago pa man umakyat sa Alert Level 4 ang babala para sa mga nakatira malapit sa bulkan, naghahanap na kami ng mga partners na tutulong sa ating mga kababayan sa Albay.

Sa pamumuno ni VP Leni Robredo, agad kaming nakalikom ng mga relief goods na kailangan ng ating mga kababayang nakatira sa paligid ng Mayon.

Apat na munisipyo ang pinuntahan ni VP Leni at ng Office of the Vice President. Kasama dito ang Camalig, Guinobatan, Ligao, Tabaco.

Food packs ang dala namin sa mga pamilyang kinailangang lumikas at manirahan pansamantala sa mga evacuation centers. Isinunod din namin ang mga kumot o slee­ping kits, face masks na kailangang-kailangan lalo sa probinsya, at mga hygiene kits bago matapos ang linggo sa Legazpi.

Talagang hindi natin inaasahan ang ganitong mga sitwasyon kaya kailangan lagi tayong handa. Kung makaipon man tayo ng mga ipapadala sa ating mga kababayan kapag dumating na ang kalamidad, ang problema, gaya ng anumang sakuna, hindi natin alam kung kailan ito matatapos.

Gaya nalang ng kahit libo-libo na ang ating naipadala sa Albay, kulang na kulang pa ito lalo hindi natin alam kung tatahimik na ba ang bulkan.

Kaya sa totoo lang, napakahalaga talaga ng kahandaan. Iyon bang handa tayong sumagupa sa ganitong mga kalamidad kahit anong oras? Iyon bang hindi tayo lagi magkukumahog maghanap ng hihingan ng tulong, o paglilikasan dahil sa simula pa lang, kaya nating harapin ang kung ano mang sakuna.

Tama si VP Leni noong sinabi niya sa isang interview na kilala naman natin ang bayan natin, kaya dapat alam natin kung paano tayo makakapaghanda sa mga kalamidad na lagi nating pinagdaraanan.

“Sa akin lang, iyong Albay madalas talaga siyang daanan ng calamities. Halimbawa, iyong eruptions, they happen every so often, every few years, kaya talaga dapat mas permanenteng solusyon iyong hanapin.”

“Iyong gusto kong sabihin, iyong mga ganito, tingin ko kailangang bigyan na ng malaking halaga, at dapat nang iwasan iyong patuloy na pag-e-evacuate everytime there is a calamity.”

Totoong mahirap ito lalo pa’t maliit lang ang budget ng ating mga local go­vernment units. Pero hindi imposible.

Mahalagang may mali­lipatan ka na evacuation center kapag may kalamidad, pero mas mahalagang matibay ang bahay mo at hindi liliparin ang bubong kung daanan man iyan ng bagyo. Mas mahalagang ang kinatitirikan ng bahay mo ay hindi aabutin ng baha, landslide o abo ng bulkan. At mas mainam na ligtas ang kinalalagyan ng mga komunidad, na hindi nila kailangang lumikas kung may kalamidad.

Habang tayo ay nana­nalangin na tuluyan nang manahimik si Mayon, sana maging instrumento rin tayo sa ating mga barangay ng pagtutulak ng kahandaan. Magsimula tayo sa ating mga barangay, ma­ging aktibo sa mga diskusyon para kahit papano, handa tayo sa anumang iba pang dara­ting ngayong 2018.

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa ­Angat Buhay program ni VP Leni. Mag-email sa kaniya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-705-0273.