Una sa Balita

Annual planning session ng PBA Board, plantsado

By
0 180

LAS VEGAS, Nevada — All set na sina PBA commissioner Willie Marcial at Board of Governors sa limang araw na annual planning session dito sa gambling capital of the world.

Isang araw bago tumulak ng Las Vegas, sinabi ni Marcial na ilalatag niya sa Sept. 8-12 meeting ang kanyang mga plano sa 2019 season.

Inaasahang bubusisiin nang husto ng board ang kanyang plans and programs, height limit ng imports, games schedule at ang partisipasyon ng pro-league sa pagbuo ng national team.

“Of course the PBA is always ready to support our national team,” sabi ni Marcial.

Napatunayan na ang all-out support ng PBA sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) nang pumayag ito na magporma ng pambansang koponan na kakatawan sa bansa sa Asian Games.

Nauna nang umatras ang SBP sa paglahok sa Asiad, ngunit nagbago ang isip dahil sa public clamor. Ang bulto ng basketball team na pumanglima sa katatapos na Asian Games sa Jakarta ay galing sa Rain or Shine na tinimonan ni coach Yeng Guiao ng NLEX.

Sinabi ni Marcial na ibabase niya ang pagba­langkas sa game schedule sakaling mag-qualify ang Pilipinas sa FIBA World Cup.

Top of the agenda rin sa annual planning session ang approval ng board sa EXCITE bilang official marketing arm ng PBA na pinamumunuan ni Gelo Serano, presidente ng kompanya.

Idedetermina rin ng board ang height limit ng import sa 2019 second at third conference.

Ngayong 2018 PBA season, 6-10 ang itinakdang height limit sa se­cond conference at 6-5 naman sa third conference.

Ayon kay Marcial, pag-uusapan nila kung babaan ang 6-10 height limit sa susunod na season.

“Titingnan namin kung maibababa ang 6-10 height limit ng import dahil nahihirapan ang mga team na makakuha ng ganitong height,” sabi pa ni Marcial.

Inaasahan ding malawakang tatala­kayin ng PBA Board ang pag-upgrade sa digital at paggamit sa social media para lalo pang mapataas ang “awareness” ng fans sa liga sa buong bansa.