Una sa Balita

Anne, Vice, Maine, Alden tatanggalan ng mga pekeng follower

By
0 2,212

MAGKAKAALAMAN kung sino sa mga sikat na showbiz personality sa Pilipinas ang sinusuportahan ng mga tunay na tagahanga sa social media at kung sino ang may mga pekeng follower.

Sa harap na rin ito ng ginagawang pagtanggal o pagbura ng Twitter sa mga “suspicious account” sa kanilang social media platform para maibalik ang tiwala ng publiko kasunod ng pagkakabunyag na nag­lipana ang mga fake account dito at maging sa isa pang social networking site na Facebook.

“Many users, inclu­ding those who have bought fake followers and any others who are followed by suspicious accounts, will see their follower numbers fall,” ayon sa inilabas na official statement ng Twitter.

Pero hindi binanggit ang eksaktong bilang ng mga maaapektuhang user bagama’t sinabi ng Twitter na “tens of millions” ng mga kuwestiyonableng account ang kanilang buburahin o tatanggalin.

Sa Pilipinas, sina Vice Ganda (11M), Anne Curtis (10.4M), Angel Locsin (10.2M) Kathryn Bernardo (8.4M), Da­niel Padilla (7.2M), Luis Manzano (5.7M), Maine Mendoza (4.7M), Alden Richards (5.1M) ang maituturing na pinakasikat sa Twitter.

Sila ang mga tipo ng celebrity na kapag may project, sure hit agad, at kung may mga endorsement sila, siguradong benta agad, dahil talagang binibili ng mga Twitter follower nila.

Ito rin ang dahilan kung bakit sina Anne, Maine, Alden, Daniel, Kathryn, Luis, at Vice ang mga mabebentang endorser sa ngayon.

Si Kris Aquino (may 1.5M) ay hindi masyadong active sa Twitter, dahil mas type niya ang Instagram na kung saan ay may 3.6M follower naman siya.

Sa Instagram ay winner din si Anne na may 9.4M follower, at si Vice Ganda naman ay may 6.6M na follo­wer din. Si Kathryn Bernardo ay may 6.6M follo­wer. Si Maine Mendoza ay may 3M follower, at si Alden ay may 2.5M follower.

Gayunman, posibleng mabawasan ang kanilang mga follower dahil sa ginagawang pag­lilinis ng Twitter ngayon sa kanilang social media platform mula sa mga pekeng account o pekeng follower.

Pero sina Vice, Anne, Maine, Kathryn, Daniel, Alden, sila rin naman ang pasimuno sa Twitter, na kapag feeling nila ay mga Internet troll, o mga fake account ang mga nanghihimasok, nagku-komento, nan­lalait ng ibang mga kasamahan nila na follower­ nila, sila na mismo ang nagba-block sa kanila.

‘Di ba nga, pansamantalang iniwan ni Maine ang Twitter dahil sa mga nagpapanggap na follower, o follower naman talaga niya, na walang ginawa kundi awayin ang lahat ng mga kaibigan o mga nakakasama niya sa picture at okasyon.
Kailan lang ulit bumalik si Maine sa Twitter, dahil utos na rin marahil ng mga produkto na ini-endorse niya.

Ang naabot sa Twitter nina Alden, Maine ay mahirap na ring tumbasan. Kumbaga, wala nang challenge, wala nang contest. Mahirap na kasing talunin ang mahigit 40M na tweets na nakuha ng pa-hashtag na #AlDubEBTamangPanahon nung October 24, 25, 2015.