Una sa Balita

Anibersaryo

By
0 657

Dahil bago ang taon, magandang pag-usapan natin ang salitang ‘anibersaryo.’ Pagkilala o pagdiriwang ito ng isang pangyayari ng lumipas na taon.

Kaya depende sa bilang, halimbawa ika-sampung anibersayo ng kasal, ibig sabihin, ika-sampung taon ito ng pagdiriwang o pagkilala sa naganap na kasalan sampung taon na ang lumipas.

Kung magiging mahigpit, redundant kung gayon ang salitang 10th year anniversary o ika-sampung taong anibersaryo dahil ang mismong salitang ‘ani­bersaryo’ ay nanga­ngahulugan ng isang taon. Paano? Baklasin natin ang salitang ani­bersaryo.

Sa ubod ng salitang anibersaryo ay ang dalawang salitang Latin na annus (binibigkas bilang años, binabaybay din natin minsan bilang anyos, o taon) at versus o pagbabalik.

Ang annus ang pinanggalingan ng mga popular na salitang annual na maaa­ring mangahulugang yearbook at pang-uri na ibig sabihin ay isang taon; annually na pang-abay na pamanahon; per annum na karaniwang mababasa sa mga kontratang may kinalaman sa yearly interest rate sa pera.

Ang anibersaryo ay hindi laging nanganga­hulugang masaya. Mayroon ding pangyayaring nakagigimbal o nakalulungkot o nakasisindak na hindi natin nalilimot. Ani­bersaryo rin ito.

Pero dahil dinamiko ang ating wika, hindi maiiwasang magkaroon ng neologism, o iyong paggawa ng bagong salitang hindi pa pormal na tinatanggap sa institusyong pangwika o diksyonaryo, kaugnay ng salitang anibersaryo.

Isang magandang halimbawa nito ay ang madalas na ngayong gamitin ngunit wala pa sa kinikilalang diksyonaryo ay ang salitang ‘monthsary.’ Imbes na pang-isang taon na paggunita, isang buwan o buwanan.

Karaniwang mababasa o mapakikinggan ang salitang monthsary kaugnay ng masayang relasyon. Masyado nga namang matagal para sa mga bagong magkasinta­han ang maghintay ng anibersaryo para magdiwang.

Kung buwan-buwan, ika-23 ng bawat buwan halimbawa, mas maraming dahilan para alalahanin ang petsa kung kailan sina­got ang nanliligaw pa noong kasintahan. Mas may pagkakataon para mag-date o magpalitan ng regalo.

Marami tayong petsa na kung minsan, hindi man natin gusto, pero dahil anibersaryo at muling pag-uusapan, ay nagugunita. Mula sa personal hanggang sa mas ma­lawakan gaya ng pambansa.

Kung maaari nga lang sanang ang gugunitain natin ay masasaya. Kung ang bawat anibersaryo sana ay puno ng galak at ligaya.

Pero hindi. Hindi tayo makaiiwas sa mahahapding paggunita. Dahil ito man ay anibersaryo. Ang mahalaga, sa kabila ng lahat ng ito, dapat ta­yong matuto.