Una sa Balita

ANGEL, GRETCHEN AT BERNADETTE, NAGHATID NG TULONG AT SAYA SA MGA BIKTIMA NG BAGYO…

0 7

Tuloy ang paghahatid ng serbisyo publiko ng TV Patrol sa iba’t ibang parte ng Pilipinas sa pagdating ng TV Patrol Community Caravan sa Antique nitong Hulyo kasama ang FPJ’s Ang Probinsyano star na si Angel Aquino at Gretchen Ho ng Umagang Kay Ganda.

Kasama ni TV Patrol anchor Bernadette Sembrano, nilibot nina Angel at Gretchen ang probinsya upang magdala ng tulong at saya, at tugunan ang mga pangangailangan ng mga Kapamilya sa Antique, na isa sa pinakamatinding tinamaan ng bagyong Frank noon.

Unang dumaan ang grupo sa job fair na inorganisa ng programa katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Public Employment Services Office (PESO)-Antique sa Robinson’s Place Antique mall.

Dito nagbigay suporta sina Bernadette, Gretchen at Angel sa mahigit isang libong naghahanap ng trabaho, kung saan marami ang su­malang sa job interview at 22 naman ang tinanggap agad sa trabaho.

Nakilala rin nila ang 30 nanay na dating mga OFW na tinuruang gumawa ng jam at tumanggap ng tig-iisang food cart mula sa TV Patrol at Department of Trade and Industry (DTI)-Antique upang magkaroon ng pagkakakitaan at hindi na muling mawalay sa kanilang pamilya.

Bukod sa trabaho at kabuhayan, nais rin ng TV Patrol na maibsan ang perwisyong dinaranas ng mga taga-San Jose at mga dayo sa kanilang public terminal na walang maayos na palikuran.

Kaya sunod na pinuntahan nina Angel, Gretchen at Bernadette ang pinagandang banyo ng programa katuwang ang lokal na pamahalaan ng San Jose.

Matapos dumaan sa ginagawang citizen journalism workshop ng Bayan Mo, iPatrol Mo, diretso naman ang tatlo sa Barangay Durog, na hindi pa rin nakababangon sa pinsalang tinamo sa bagyong Frank.

Nagsilbing storyteller sina Angel at Gretchen sa mga kabataan doon, na nabigyan din ng mga bagong kagamitan sa pag-aaral mula Operation Sagip, tsinelas mula sa Rated K, at bitamina mula sa Bantay Bata.

Naipaayos rin sa tulong ng Rotary Club Antique ang library sa Durog Elementary School, na nagsasagawa ng isang nutrition program para sa mga estud­yanteng malnourished.

Para makatulong, nagbahagi ng mga vegetable seed at nakiisa sa pagtatanim ng gulay ang grupo ng TV Patrol.

Ani Jessa Quemado, isang guro roon, napakasakit sa kanilang makita ang mga estudyante nilang gutom na gutom.

“Naisip mo kapag anak mo ‘yung nasa sitwasyong ito, parang nahihirapan ka, parang ang sakit-sakit,” sabi pa niya.

Nakasalo rin ng grupo sa isang masustansyang tanghalian ang mga residente, na tumanggap din ng grocery package at mga bentilador.

Ayon kina Angel at Gretchen, balewala ang kanilang pagod sa inspirasyong nakuha nila sa mga batang patuloy na kumakapit sa kanilang pangarap sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap.

“Sa simpleng pagpunta mo lang doon, sobrang saya na nila. Sa simpleng pagkausap mo sa kanila, picture, selfie, pagbigay ng pagkain…ibabalik ka doon sa sino’ng pinagsisilbihan mo,” sabi ni Gretchen.

Dagdag ni Angel, “Para siyang pagkain sa puso, sa kaluluwa, sa spirit ko. Kahit na puyat na puyat tayo pagdating doon you can’t help but smile because of the energy the kids give off.”

Bahagi ng selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng “TV Patrol” ang isinasagawang caravan na umiikot sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas upang magdala ng tulong at magpamalas ng malasakit katuwang ang iba’t ibang organisasyon tulad ng DOLE, Department of Science and Technology, Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines, Robinsons Land Corporation, Energy Development Corporation, Carl Balita Livelihood Center, House of David, Republic Biscuit Corporation, at Unilever Philippines. Dumaan na rin ang caravan sa Zamboanga, Tacloban, Pangasinan, Iloilo, Malabon, at marami pang iba 

Subaybayan ang pagpapatuloy ng “TV Patrol Community Caravan” sa “TV Patrol”, kasama sina Kabayan Noli De Castro, Ted Failon at Bernadette Sembrano, tuwing Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng “Wildflower” at tuwing Sabado pagkatapos ng “Home Sweetie Home”. Mapapanood din ito sa iwantv.com.ph at skyondemand.com.ph. Sundan din ang programa sa social media sa Facebook (@tvpatrol.abscbn) at sa Twitter (@TVPatrol).