Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Angat Pinoy Party-list susulong pantay na karapatan

0 599

Kaagapay ng pag-angat ng bansa ay mahalagang maproteksyunan ang pantay na karapatan at maisulong ang kapakanan ng mga kababaihan.

Kaya naman ito ang pangunahing plataporma at adbokasiya ng Angat Pinoy Party-list sa nalalapit na pambansang halalan ngayong Mayo 2022.

Ang Angat Pinoy ay isang multi-sectoral Party-list na nakatututok sa pagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng apat na grupo na kinabibilangan ng mga kababaihan, ano man ang antas ng buhay; senior citizens; overseas Filipino workers; at small and medium enterprises (SMEs).

Pakay ng Angat Pinoy Party-list na suportahan at tulungan ang mga pamilyang Pinoy, mga kababaihan at lipunan sa pangkalahatan.

Itataguyod ng Angat Pinoy ang pagmamahal sa bansa, pangangalaga sa kalikasan at proteksyon sa karapatan ng bawat Filipino.

Naniniwala ang grupo na kinakailangang palakasin ang papel ng mga kababaihan sa kasalukuyang lipunan.

Kinakailangan umanong maalalayan at maisulong ang kapakanan ng mga single parent, working mom at mga kababaihan na may mahalagang papel na ginagampanan sa bawat tahanan at sa lipunan.

Dalawang babae na umaakto bilang mga ina at lider sa Mindanao at Bicol region ang nominees para sa Angat Pinoy Party-list.

Ito ay sina Karina Anna ‘Aina’ Chiu-Del Rosario na isang registered nurse at dating tagapangulo ng Davao Del Norte Council of Women at si Mellisa Ann ‘Missy’ Hilario na three-termer councilor ng Sto. Domingo, Albay at dating regional at provincial president ng National Movement of Young Legislators.

“Bilang isang babae at ina, naniniwala ako sa tamang proteksiyon at karapatan ng lahat kababaihan sa ating lipunan. Katulad ko, mahal din nila ang Pilipinas at handang tumulong sa ikauunlad ng bansa,” ayon kay Del Rosario, na maybahay ni dating Davao del Norte governor Anthony del Rosario.

“I fully support the equal protection and human rights of every women in our society. Like myself, I believe they play a crucial role in nation-building,” paghahayag naman ni Hilario.

Si Hilario ay dumalo sa isang political study program sa Amerika gayundin sa Leadership and Development Management Course for Young Legislators sa Asian Institute of Management habang si Del Rosario naman ay naging chief of staff sa House of Representatives.

Kapwa ninanais ng dalawa na mapagaan ang pamumuhay ng mga kababaihang Pinay, nasa bahay man o lunan ng trabaho ang mga ito, pati na ang mga nurse, teacher, artist, military personnel, abogado, o simpleng street sweeper at market vendor.
Naniniwala ang dalawang nominees ng Angat Pinoy Party-list na ang mga kababaihan ay inspirasyon ng lipunan, nasa loob ng bansa o nagtatrabaho man sa abroad ang mga ito.

Ang bawat kababaihan anila ay may kanya-kanyang kuwento ng katapangan at pagmamahal sa pamilya.

Bukod sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga kababaihan, layunin din ng Angat Pinoy na matulungan ang mga OFWs habang sila ay kumakayod sa abroad hanggang makauwi sa Pilipinas, matiyak ang malusog na pamumuhay ng mga senior citizen habang ini-enjoy ang kanilang retirement, at maayudahan ang mga SMEs, partikular na ang mga naapektuhan ng pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.