Una sa Balita

Angat kabuhayan: Panlaban sa pang-aabuso ng kababaihan

By
0 212

Ngayong araw, Nobyembre 25 ang si­mula ng 18-day campaign ng Philippine Commission on Women laban sa pang-aabuso sa mga kababaihan.

Bukod sa mga proyektong tumutulong sa mga Filipinang biktima ng karahasan, ang Office of the Vice President sa pamumuno ni VP Leni Robredo ay nakatuon na bigyang solusyon ang problemang ito ng mga kababaihan sa laylayan.

Maraming kababaihang dumulog kay VP Leni noong siya’y abogado pa lamang. Lagi niyang kinukuwento kung papaano nila pinagpupursigihang ipaglaban ang mga karapatan ng mga misis na biktima ng karahasan.

Sa ilang buwan o taong pabalik-balik sa korte, kalimitan sa huli, ang mga kababaihang ito ay susuko at babalik na lamang sa kanilang pamilya — dahil alam nilang wala silang kapasidad magtaguyod ng pamilya nang mag-isa.

Kung kaya’t naniniwala tayo na kailangang magkaroon ng kakayahang kumita ang mga kababaihan, para sila’y lumakas sa harap ng mga pagsubok na tulad ng pang-aabuso.

Nitong nakaraang linggo, sinamahan namin ang sampung mga kababaihan mula sa Dumaguete, Negros Oriental at Pilar, Sorsogon sa isang study tour sa Naga. Inimbita sila ni VP Leni bilang tugon sa kanilang kahilingang matuto na palakasin at pagandahin ang kanilang mga lokal na gender and development (GAD) programs.

Ang mga programang GAD ay ang pagkilala sa pantay na karapatan ng kababaihan at kalalakihan sa isang komunidad. Batid ng mga kababaihang ito ang naabot ng Naga City Council for Women (NCCW) kaya sila mismo ang lumapit sa amin para matutunan kung paano gawin ang GAD ng NCCW sa kanilang mga komunidad.

Bukod dito, gusto rin nilang makita kung papaano pinalakas ng NCCW ang mga kababaihan sa pamamagitan ng pagtatayo ng kanilang sariling mapagkakakitaan. Dahil mayroon silang kakayahang buhayin ang kanilang mga sarili at mga anak, hindi sila takot lumaban sa pang-aabuso.

Mahalaga ang kabuhayan sa usapin ng pang-aabuso, lalo na para sa mga nasa laylayan. Maraming babaeng takot ipagtanggol ang kanilang sarili dahil sa kawalan nila ng sariling hanapbuhay, kawalan ng kakaya­hang tumindig laban sa kalaban.

Ngunit maari natin silang tulungan at bigyan ng pag-asang kaya nilang sabay na ipagtanggol ang kanilang karapatan at itaguyod ang kani-kanilang mga pamilya.

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa A­ngat Buhay program ni VP Leni.

Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kompanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-7050273.