Una sa Balita

ANGAT BUHAY: Tungo sa Trabaho at Kabuhayan

By
0 36

Halos isang taon na ang nakaraan nang simulan ang programang nakatutok na tulungang makabangon ang ating mga kababayang nasa laylayan.

Ang anti-poverty framework ng Office of the Vice President (OVP) na pinamumunuan ni VP Leni Robredo ay inilunsad noong nakaraang Oktubre. Sa pamamagitan ng Angat Buhay, ang mga pamilyang nasa pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na mga komunidad ay nabigyang pag-asa at pagkakataong magkaroon ng mas magandang bukas.

Naalala ko ang sinabi ni VP Leni noong araw na ipinakilala namin ang Angat Buhay sa mga partner na local government units (LGUs) at pati ang mga miyembro ng pribadong sektor.

Abante Hiring – IT dep

Sabi niya, “This is all of us, making a stand against needless suffering; coming together to build bridges, not walls; facing a brighter future together, through cohesiveness and collaboration.”
At makalipas ang isang taon, nandito na tayo.

Nagsimula tayo sa 50 na partner LGUs, at ngayon, mayroon nang mahigit sa 150 areas kung saan may Angat Buhay project na ipinapatupad. Mayroon tayong 79,076 pamilya sa buong Pilipinas na tinutulungan.

Pero hindi ito ang klaseng tulong na panandalian lang ang epekto. Sa Angat Buhay, hindi natatapos sa pagsagawa ng feeding program ang pagtulong sa batang kumakalam ang sikmura. Para sa kalusugan ng kabataan, kailangang matugunan natin mismo ang malnutrisyon.

Nainiwala si VP Leni na mahalaga man ang mabilisang ayuda, kailangang tingnan natin kung paano malulutas ang problema mula sa ugat nito.

Gaya ng problema ng malnutrisyon, ang kawalan ng tahanan, kakayahang makapasok sa eskwelahan, at pagbabale-wala sa kalusugan—ang lahat ng ito ay ugat ng kawalan ng trabaho at pangkabuhayan.

Kahit patuloy na nakakahanap ng partners ang Angat Buhay na nakapagbibigay ng maaring pagkakitaan ng ating mga kababayan, hindi ito sapat lalo pa’t hindi nila alam kung paano pananatilihin at palalaguin ang kanilang hanap-buhay.

Gaya noong bumisita si VP Leni sa Navotas para sa Metro Laylayan nitong nakaraang buwan.

Sa pamamagitan ng Angat Buhay partner na DAMPI, nabigyang pagkakataon ang isang pamilya doon na muling buksan ang kanilang nagsara at naluging sari-sari store.

“Gusto nating matulungan silang mabuksan ulit iyong sari-sari store, pero hindi puwedeng basta lang iiwanan ng pera,” kuwento ni VP Leni. “Dapat mayroong financial literacy. Dapat turuan sila ng tamang pagnenegosyo. Dapat hindi dole-out; mayroong obligasyong kailangang tuparin.”

Tama si VP Leni. Kailangang higit sa pamimigay ng kanilang mga pangangailangang kagamitan o kapital, nagbubuhos din tayo ng oras para siguraduhing kaya nilang tumayo sa sarili nilang paa, at iahon ang kanilang pamilya mula sa hirap.

Kaya ngayong papasok na ng ikalawang taon ang Angat Buhay, at matapos ang walang tigil na pag-iikot namin sa Pilipinas para makausap ang ating mga kababayang naghihirap, pagtutuunan natin ng higit na pansin ang trabaho at kabuhayan.

Marami tayong problema sa ating bansa—kalusugan, edukasyon, diskriminasyon, pabahay, imprastraktura, at kawalan ng pagkain. Ang pagsasaayos ng mga problemang ito ay ang susi para tuluyan nating matalo ang kahirapan.
Ngunit para isa-isang mabigyan ng pangmatagalang solusyon ang mga ito, kailangang bigyan natin ng kakayahan ang ating mga kababayan na kumita ng sapat at kumita ng regular.

Sa pamamagitan ng Jobs Push and Livelihood na inisyatibo sa ilalim ng Angat Buhay, hahanapan ng tugmang trabaho at pagkakakitaan ang ating mga kababayan. Patuloy man ang ibang programa, palalakasin natin lalo ang pagpupursiging bigyan sila ng kakayahang kumita at buhayin ang kanilang pamilya.

Baka sa paraang ito, sa kuya na hindi makapag-aral ay mabibigyan nang pamasahe pampasok, si Ate na may sakit ay makapagpapagamot na, si Nanay na gustong makatulong sa pamamagitan ng kanyang sari-sari store ay makakaipon na, at si tatay, na may trabahong sakto sa kanyang abilidad at tama ang kita ay matulungan nating permanente nang makalaya mula sa kahirapan.

***
Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kumpanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-7050273.