Una sa Balita

ANGAT BUHAY: Pagsulong ng Edukasyon para sa Trabaho

By
0 36

Sa loob ng higit sa isa’t kalaha­ting taon, nakaabot na ang Angat Buhay ni VP Leni Robredo at ng Office of the Vice President (OVP) sa pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na mga barangay sa ating bansa.

Isa ang edukasyon sa mga haligi na advocacy ng Angat Buhay para labanan ang kahirapan.

Sa mga kabataan pa lang, magsisimula na tayong magtanim ng punla ng pag-asa para mapaganda ang kanilang kinabukasan.

Maaga pa lang, hinahanda na natin ang mga kabataan para may kakayahan silang makipagsapalaran sa industriyang kanilang papasukan.

Sa pamamagitan ng angkop na pag-match ng mga magtatapos na estudyante sa mga kompanya at industriya, tumutulong tayong maging epektibo ang ating mga kabataan sa pagsulong sa kaunlaran ng bayan, at para sila mismo ay maging instrumento ng pagbabago.

Ito ang dala ng partnership ng Angat Buhay kasama ang Astoria Culinary and Hospitality Institute (ACHI).

Nitong linggo nagsimula ang proyektong naglalayong makatulong sa mga kabataang nagsusumikap sa kanilang pag-aaral.

Sa pakikipagtulungan ng ACHI at Angat Buhay, sampung estudyante mula sa University of Rizal Systems (URS) ang nakapagsimula nang mag-internship sa Astoria Plaza.

“Pagiging competitive ko po sa industry ng hospitality,” kuwento ni Jane Rodriguez, isa sa mga interns. “Madadagdagan po ang knowledge ko kapag nag-hands-on na po kami dito sa internship dito sa Astoria.

Marami po ang matutulong ng Astoria sa pagbibigay ng knowledge sa amin, sa mga kapwa ko po estudyante,” dagdag niya.

Kinausap namin isa-isa ang mga estudyante ng URS na napili para sa programa. Tuwang-tuwa sila dahil noong araw ding iyon lumabas ang balitang natanggap sila sa programa, at magsisimula na kinabukasan.

Ngunit kasabay nito’y ikinuwento din nila kung gaano kalaki ang pag-asa na dala ng ganitong programa, lalo na para sa kanilang hindi naging madali ang buhay.

Katulad nalang ng kuwento ni Jhenuel Samonte, 26-taong-gulang, at hindi makapaniwalang mayroong ganitong oportunidad para sa kanya.

“Huminto ako sa pag-aaral para magtrabaho dahil kulang ang pera namin para sa pang-araw-araw.

Hindi ako dumiretso sa college, sa pagtatrabaho ako dumiretso pagkatapos ng high school dahil mas kailangan namin kumain,” kuwento ni Jhenuel.

Ngayong nakabalik na siya sa pag-aaral, malaki ang nakikita niyang tulong ng oportunidad na dala ng ACHI at Angat Buhay.

“’Di ko inakala na makakapag-aral uli ako. At lalong hindi ko naisip na may ganitong pagkakatong nag-aantay sa akin.

Dahil dito, madami akong matututunan para sa pag-graduate ko, mas may alam na ako sa papasukan kong trabaho.

Kahit matagal ako bago naka-graduate, may experience ako na makakatulong sa pag-apply ko sa trabaho,” dagdag niya.

Maliban sa libre ang internship at kaunting kitang matatanggap ng mga estudyante sa loob ng 208-oras na kanilang igugugol sa hotel, layunin ng programang ihanda sila sa kanilang pakikipagsapalaran sa mundong propesyonal.

Sa pamamagitan ng programang ito, ang kaalaman ay hindi lamang mula sa eskuwelahan, kung hindi manggagaling din sa kanilang sariling karanasan bilang bahagi mismo ng staff ng Astoria Hotel Plaza.

‘Ika nga ni Marivic Vitano, isa sa mga interns: “Makakatulong siya ma-enhance ang abilities, know­ledge and skills bukod pa sa mga libro at teachers. Malaman iyong totoong reyalidad ng mundo, kung ano po talaga ang career na pinursue namin.”

Noong kinausap namin ang mga estudyante, nakita ko ang malalim na epekto ng simpleng pagbibigay ng oportunidad na hindi nila inaasahang nariyan para sa kanila.

Maliban sa mga proyekto ng Angat Buhay na nakatutok sa edukasyon ng kabataan, ito ring paghahanda sa mga magsisitapos ay talagang nakakaantig ng damdamin.

Sobra ang hirap ng buong pamilya para makapagpatapos, pero madalas ay kakaunti lang ang nakakakuha ng trabahong angkop sa kanilang mga kurso.

Sa mga ganitong paraan, makakatulong tayong bigyan ng mas malaking pagkakataong makapasok sa maayos na trabaho ang ating mga kabataan na kung saan, mabibigyan sila ng pag-asa at kakayahang baguhin ang kanilang kapalaran.

Sa pamamagitan ng pagbibigay ng ganitong oportunidad sa ating mga kabataan, malalatag natin ang daan para sila mismong mga nakapagtapos ang makapagdala sa kanilang pamilya sa mas maunlad na kinabukasang malayo sa kahirapan.

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kompanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com.