Una sa Balita

ANGAT BUHAY: Angat Buhay Youth: Pakinggan ang boses ng kabataan

By
0 24

Sa tuwing bibisita kami sa mga komunidad, laging may pagkakataong makipag-usap sa mga miyembro ng barangay at mga local government officials.

Kasama ni VP Leni Robredo at ang Angat Buhay team, pinapakinggan namin ang kanilang mga hinaing at mga problema, sa pag-asang makakatulong kami at ang aming mga programa.

Maliban sa mga magulang na nagkukuwento ng kanilang mga kalagayan at pangangailangan, may mga kabataan ding nagbabahagi ng kanilang mga ideya kung paano tutulungan ang kanilang bayan.

Pero madalas, hindi sila nabibigyan ng pagkakataong makapagsalita o magawa ang kanilang mga ideya, walang lugar para marinig ang mga ideya nila kung paano aayusin ang mga problema.

Dito nagsimula ang Angat Buhay Youth.

Naisip naming kailangang bigyan ng pagkakataon ang ating kabataang tumulong sa kanilang bayan.

Sa murang edad, kailangang ipakita na natin sa kanila na kapag may pagpupursigi at pusong tumulong sa bayan, may pagbabagong puwedeng makamit.

Maliban dito, hindi rin maikakaila ang dedikasyon at kakayahan ng mga kabataan para tumulong na sugpuin ang problema ng ating lipunan.

Marami silang bagong ideya at punung-puno ng pag-asa. Sila rin ang babad sa kalagayan ng kanilang mga komunidad, kaya’t maraming nalalaman tungkol sa maaring gawin para mapabuti ang pamumuhay sa kanilang bayan.

Kaya inumpisahan namin ang linggong ito kasama ang 100 youth leaders mula sa iba’t ibang youth organizations na nagnanais makatulong sa kanilang bayan.

Sa loob ng dalawang araw, nakatuon ang pansin ng buong Office of the Vice President (OVP) sa Angat Buhay Youth Summit.

“Iyong mga kabataan na kagaya ninyo, this early, ini-immerse na sa ganitong klaseng serbisyo.

Nasa politika man o wala, parating may pagkakataon na makatulong,” sabi ni VP Leni noong huling gabi ng summit.

Mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, ang mga youth representatives ay nakinig at nagsanay ng dalawang araw para maayos nilang maipaliwanag ang kanilang mga project proposals.

Sa 50 na project proposals, may top 20 na pinili  sila ang nag-pitch sa panel of judges, kung saan may top 10 na nanalo ng seed fund para sa kanilang mga proyekto.

Bakit ko ito ikinukwento? Kasi nitong dalawang araw, nag-uumapaw ang puso ko ng pag-asa at pagmamalaking ganito na ang mga kabataang Pilipino.

Sa dalawang araw na nakita kong pursigidong matuto ang mga kabataan mula sa mga mentors nila, ramdam ko ang pagnanais nilang makatulong sa kanilang mga bayan.

Kitang-kita rin ang nag-uumapaw na kaligayahan mula sa kanilang mga mata. Hindi nawawala ang mga ngiti mula sa kanilang mga mukha.

“Napakalaking tulong po nito sa aming mga bayan,” kuwento ni Jemar dela Cruz ng organisasyong Batiti Ground na isa sa mga top 10 ng unang batch ng Angat Buhay Youth.

“At hindi lang po sa kanila, pero sa amin ding mga kabataan. Napakalaking epekto po nito sa amin, kasi ngayon alam naming may magagawa kami hindi lang para sa aming pamilya, pero para din sa aming community,” dagdag niya.

Kitang-kita na sa murang edad, alam na ng mga kabataang ito kung ano ang problema ng kani-kanilang mga bayan.

Maliban dito, alam din nila kung ano ang maaring solusyon sa mga problemang ito. At higit pa rito, may paniniwala at pag-asa sila na kaya nilang tumulong lutasin ang problema.

Project GifTED ang nanalo ng top 1, at maliban sa seed-fund para sa kanilang project na tutulong sa pamamagitan ng sining sa mga batang may problema sa pag-iisip, mga hindi nakakapag-aral, at mga marginalized, may pagkakataon din silang ibahagi ang kanilang project sa Hanyang University sa South Korea nitong darating na Nobyembre.

Marami na tayong kuwento tungkol sa mga pamilya at bayang naabot ng Angat Buhay. Sa pag-expand ng proyektong ito ng OVP, napakagandang isipin na hindi lang mga magulang, propesyonal, at mga miyembro ng local government units at private sector ang makakagawa ng paraan para baguhin ang kinabukasan ng ating bansa.

Nakakalakas lalo ng loob na isiping lahat ng mi­yembro ng pamilya ay may maiaambag na solusyon sa mga problema ng ating bansa.

Kailangan lang maalala nating makinig sa isa’t isa, at makinig sa kanila na kahit bata pa’y nag-iisip na ng paraan para makatulong sa pag-unlad ng bayan.

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kumpanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-7050273.