Una sa Balita

Angara kay Lizada: Palakasin ang kababaihan sa gobyerno

0 398

BINATI at sinuportahan ni Senator Sonny Angara ang bagong talagang komisyoner ng Civil Service Commission (CSC) na si Commissioner Aileen Lizada matapos itong kumpirmahin ng Commission on Appointments (CA) nitong Miyerkoles.

Kasabay nito, hiniling ni Angara kay Commissioner Lizada na manguna sa pagsusulong ng gender balance sa pamahalaan at tiyaking 50 porsiyento ng kababaihan ay magkaroon ng kinatawan sa gobyerno alinsunod sa inilalahad ng Republic Act 9710 o ang Magna Carta of Women.

“Buong suporta po ang ibinibigay natin kay Commissioner Lizada at tiwala po tayong ang kanyang appointment ay makadaragdag sa mahusay na serbisyo ng CSC. Hiling ko lang po sa kanya, isulong niya ang kakayahan ng kababaihan sa komisyon,” anang senador.

Ani Angara, sa kabila ng iba’t ibang hakbang na nagsusulong sa pagpapa­lakas ng sektor ng kababaihan, nana­natili namang mababa ang representasyon ng mga ito sa gobyerno, partikular sa third level positions.

Ang third level positions ay kinabi­bilangan ng undersecretary, assistant secretary, bureau director at regio­nal director.

Isa si Angara sa mga author ng Magna Carta of Women nang siya ay kinatawan pa lamang ng lalawigan ng Aurora.

Base sa Section 11 ng RA 9710, inaatasan ang pamahalaan na magpatupad ng “temporary special measures na magpapalakas sa representasyon ng kababaihan sa iba’t ibang sulok ng lipunan partikular sa mga aspeto ng pagdedesisyon at pagpapatupad ng mga patakaran maging sila man ay nasa gobyerno o pribadong sektor.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More