Una sa Balita

Angara hinikayat ang kabataan na magsaka

0 210

IPAABOT sa kaalaman ng kabataan ang tunay na kahalagahan ng agrikultura sa buong populasyon at ang kanilang napakalaking papel sa pagpapaunlad ng sektor na ito.

Ito ang panawagan ngayon ni reelectionist Senator Sonny Angara sa mga kinauukulan upang aniya’y makuha ang suporta ng kabataan sa pagsasaka at matiyak na hindi magugutom ang higit 100 milyong Pilipino.

“Kung mahihikayat natin silang mag-aral na magsaka at magkaroon ng sapat na kaalaman sa gawaing ito, tiyak na hindi tayo mawawalan ng food producers sa mga darating na panahon,” ani Angara na nakatakdang bumisita sa lalawigan ng Cagayan na isa sa mga nangu­ngunang probinsya na pinagmumulan ng mga aning palay at mais.

Sa kasalukuyan, aktibo ang programang “Young Hands in Agri­culture” ng Department of Agriculture sa Cagayan at naglalayon itong hikayatin ang mga kabataan ng lalawigan na magsaka.

Kasunod ito ng patuloy na pagbagsak ng bilang ng mga magsasaka sa nasabing probinsya na nagreretiro na dahil sa katandaan.

“Ipabatid natin sa ating kabataan ang importansya ng pagsasaka sa paraang makukuha natin ang kanilang interes. Sa ganitong hakbang lamang natin masisiguro na hindi magugutom ang samba­yanang Pilipino sa mga darating pang panahon,” ayon kay Angara, muling tumatakbong senador sa ilalim ng platapormang Alagang Angara.

Ayon pa sa senador, dahil sa tila kawalan ng malawak na suporta ng gobyerno sa sektor ng agrikultura, hindi rin madaling himukin ang kabataan na magkainteres sa pagsasaka. Isa rin ito sa posibleng dahilan kung bakit iniiwan ng mga magsasaka ang nakagawiang trabaho at humahanap na lamang ng ibang mas malaking pagkakakitaan. (Lorraine Gamo/Dang Samson-Garcia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy