Una sa Balita

Ang underrated na si Mariano Ponce

By
0 747

Para sa pambansang paggunita ng ika-100 taong guning kamatayan ni Mariano Ponce noong 23 Mayo 2018 sa kanyang bayang sinilangan sa Baliwag, ang dapat sana na pa­nauhing pandangal ay si Senador Sonny Angara.

Sa pagyao ng kanyang ama ako ang inatasan ng National Historical Commission na ma­ging panauhing tagapagsalita. Ako ay nagpapasalamat sa malugod na pagtanggap ng ilang tagatangkilik na mula sa Baliwag, ng mga kaanak ni Mariano Ponce at ng kanilang mismong punongbayan na si Ferdie Estrella na nagsabi sa akin na nanonood siya ng “Xiao Time.”
Sa harapan nila gumawa ako ng isang pag-amin. Minsan aking sinabi na sa larawan ng tatlong bayani — José Rizal, Marcelo H. del Pilar at Mariano Ponce, sana si Graciano Lopez Jaena na lamang ang kasama nila para tunay na triumvirate ng mga sikat na propagandista. Dito ako ay sinabihan ni Dr. Jaime Veneracion na aking guro noon at kalaunan ay biograper ni Ponce, “Bakit mo nasabi iyan? Napakaganda kaya ng rekord ni Ponce bilang propagandista.”
Noong narito pa sa Pilipinas ay nangangalap na pala siya ng pondo para sa mga iskolar at gawain ng propaganda na humihingi ng reporma sa mga mananakop.

Noong 1887, tumungo siya sa Espanya ngunit hindi lamang siya nag-aral ng medisina, binuklod niya ang mga kasama, at siya palang pangunahing nagplano at tagapagtatag ng La Solidaridad ayon sa testimonya ng propagandistang si Timoteo Paez na nakuha ng historyador na si Vic Torres.

Sa kabila ng pagiging mas Europeo ng kulturang Pilipino at sa panahong hindi napakada­ling gawin at tustusan, nakipag-uganayan sa mga Hapones sa ngalan ng Unang Republika at naging kaibigan din ng Ama ng Nasyong Tsino na si Sun Yat Sen. Siya pala ang nagbukas ng daan sa diwang Pan-Asyanismo, pagyakap sa Asya ng mga Pilpino.

Gayundin siya pala ang lolo naming mga historyador pangmadla sa media dahil isa siya sa payunir na sumusulat ng mga sanaysay pangkasaysayan sa peryodiko.

Minsan sinabi ni Mariano Ponce, “Dapat nating ikatuwa ang pagtulong sa abot ng ating makakaya, para sa pagbabago ng ating bayan. Kailangang magsakripisyo tayong lahat, mababa man o nakatataas…Kailangan ngayon ng Bayan ang kanyang mga anak, kilala man o hindi.”

Kaya naman sa harapan ng monumento ni Ponce at sa harapan ng madla aking sinabi:

Patawarin mo kami Mariano Ponce na hindi ka naming kilala, nais ka pa naming makilala.

Patawarin mo kami Mariano Ponce, dahil noon ginamit mo ang peryodismo at kasaysa­yang pangmadla upang ipakita ang mali sa lipunan at pagkaisahin ang mga tao upang mabuo bilang isang bansa. Ngayon kami pang mga peryodista, manunulat at ilang sa aming mga historyador ginagamit ang aming panulat upang magkawatak-watak ang bayan.

Patawarin mo kami Mariano Ponce at ga­bayan mo kami sa pamamagitan ng iyong buhay at salita kung papaanong maging isang mabuting Pilipino na pinagbubuklod ang lahat.