Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ang unang Pilipinang Ph.D.

0 616

​​
Nitong nakaraang 2 Pebrero 2020, inilunsad ang isang coffee table book na pinamagatang “Pamana ng Buhay: The Living Heritage of Biñan” na isinaaklat ng Erehwon Artworld Coroporation at ng Pamahalaang Panlungsod ng Biñan. Ang proyekto ay pinangunahan ng walang kapagurang si Bryan Jayson Borja na pinuno ng Biñan City Culture, History, Arts and Tourism Office. Hindi kakasya sa isang kolum ang mga kayamanang ipinakita sa aklat lalo na yaong may kinalaman sa koneksyon at pamamalagi doon ni Gat Dr. José Rizal. Kaya naman dahil Buwan ng Kasaysayan ngayong Agosto, minarapat kong itanghal ang isa sa kanilang mga prominenteng personalidad—isang historyador: Si Encarnacion Alzona, ang kinikilalang unang babaeng Doktorado sa Pilosopiya o Ph.D. sa Pilipinas.

​Si Alzona ay isa sa tagapagtatag ng aming samahan naPhilippine Historical Association noong 1955 kasama ng iba pang mga importanteng historyador sa bansa. Ang kasalukuyang pangulo nito na si Dr. Ma. Luisa Camagay ang nagsulat ng kanyang talambuhay.

​Si Alzona ay isinilang sa isang buena familia sa Biñan. Nagtapos ng BA at MA Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1917 at 1918 kapwa. Naging “pensionada” sa panahon ng mga Amerikano, nagtamo ng ikalawang MA sa Radcliff College at nagtamo ng doktorado sa Kasaysayan sa Columbia University noong 1923. Bumalik at nagturo sa Unibersidad ng Pilipinas hanggang 1945.

​Ilan sa kanyang mahahalagang akda ang “A History of Education in the Philippines, 1565-1932.” Sinasabing siya rin ang pinaka-overwork historian lalo na sa mga taon bago ang Sentenaryo ng kapanganakan ni Rizal noong 1961. Siya ang nagsalin patungo sa Ingles ng tomo-tomong sulatin ni Rizal at gayundin ni Graciano Lopez Jaena. Kinilala siyang Pambansang Alagad ng Agham o National Scientist para sa Kasaysayan noong 1985.

​Ngunit mas dapat makilala si Alzona sa kanyang pagsusulong ng mga karapatan ng mga kakabaihan. Ang tesis niya sa BA ay ukol sa “The Development of School Education of Women in the Philippines, 1521-1917.” Noong 1919, nagsulat siya ng artikulo ukol sa karapatan ng kababaihan na bumoto. Para sa kanya, isang hakbang ang pagboto ng babae upang makita ang sarili na kapantay ng mga kalalakihan. Ito dapat lamang dahil karangalan na marami sa mga unang guro ng mga kalalakihan ay mga kababaihan.

​Sa aklat na “Pamana ng Buhay,” ang maikling tala ng kanyang buhay ay isinulat ni Amanda Juico dela Cruz na nagsalaysay, “Kasama ang mga kapwa suffragist, nagdaos siya ng mga tea party para sa mga mambabatas upang mapaliwanagan sila sa kung papaanong ang lipunan ay lalong makikinabang sa pakikilahok ng kapwa mga babaw at lalaki—isang istratehiya na hinugot mula sa ideyal nang henyo ng kababaihan, isang konseptong itinaguyod na ni Alzona bago pa si Papa Juan Pablo II.” (salin ay akin)

​18 taon matapos na isulat ni Alzona ang artikulo, nabigyan ang mga kababaihan ng karapatang bumoto ni Pangulong Manuel Quezon.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.