Una sa Balita

Ang tunay na tapang at malasakit

0 414

Nitong nakaraang Martes, humarap si VP Leni Robredo sa buong sambayanan at ipinahayag na tinantanggap niya ang hamon na pamunuan ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Sa kabila ng mga babala at agam-agam na ipinaabot ng kanyang mga kapartido, tagasuporta, at kaibigan, na ‘di sinsero ang alok ng Palas­yo, at paraan lamang ito para siya ay siraan at pahiyain, isinantabi ni VP Leni ang politika at tinanggap ang hamon, dahil sa kanyang kagustuhang makatulong sa ating mga kababayan.

‘Yan ang tunay na tapang at malasakit.

Kadalasan ang ating naiisip kapag sinasabi ang ‘tapang’ ay ang mga pa-machong postura na may hawak na baril, nakasakay sa big bike, o nakasuot ng bullet proof vest. Iniisip natin na ang tapang ay naipapakita lamang sa harap ng pisikal na panganib, habang nakikipagbarilan sa mga kriminal o lumilipad sa highway na nakamotor habang walang suot na helmet.

Pero ang mas tunay na tapang ay ang kakaya­hang gawin ang tama kahit na ito’y mahirap. Ang pagsasaalang-alang ng sariling interes para maiangat ang interes ng mas nakararami at ng mas nangangailangan.

Ito ang tapang ng magulang na kayang isakripisyo ang sariling ambisyon at panaginip para mabigyan ng mas mabuting kinabukasan ang kanyang mga anak.

Related Posts

Ito ang tapang ng kawani ng pamahalaan na kayang tumanggi ng suhol at umiwas sa korap­syon, kahit ng lahat ng nakapaligid sa kanya ay pumasok na sa ganoong kalakaran. Ito ang tapang ng isang tunay na kaibigan na magsasabi sa iyo ng katotohanan, kahit mahirap itong marinig.

Nang isinantabi ni VP Leni ang lahat ng ibang konsiderasyon – pamumulitika ng kanyang mga katunggali, panganib sa kanya at kanyang pamilya, ang kanyang trabaho para sa mga nasa laylayan – para sa pagkakataong makatulong sa kampanya laban sa iligal na droga, pagpapakita ito ng ‘di matatawarang tapang.

Pero ang tapang na ito ay nakaangkla sa malalim na malasakit para sa kanyang mga kapwa Pilipinong pinaglilingkuran. Dahil aniya, ang pinakamabigat niyang konsiderasyon ay ang kanyang kagustuhang matigil ang pagpatay sa mga inosente at mabigyan ng hustisya ang mga walang salang pinaslang.

Sa dulo, kapakanan ng kanyang mga pinagsisilbihan ang nangi­babaw sa kanyang desisyon.

‘Yan ang ating nakita nitong nakaraang Martes. Isang lingkod-bayan na sa ngalan ng malasakit para sa ba­yan, ay buong tapang na hinarap ang hamon ng panahon. Walang pag-aatubili. Walang duda sa sarili. Buong-buo ang loob.

Sa madaling salita, isang lingkod-bayan na handang maglingkod, magtrabaho, at mamuno.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy