Ang tunay na kahulugan ng kalayaan
By Harry RoqueNitong Martes lamang ay ipinagdiwang natin muli ang anibersaryo ng kasarinlan ng Pilipinas. Kaya naman, sa ika-120 na taon na tayo ay malaya, nais kong gawing paksa ang mga kalayaang tinatamasa nating mga Filipino. Isa na rito ang malayang pamamahayag.
Matagal na po akong lumalaban para sa kalayaan ng bawat Filipino na makapagsalita at maipahayag ang kanilang sarili. Sa simula’t simula, ito na ang aking paniniwala: Ang kalayaan sa pamamahayag ay isa sa mga kalayaang ginagarantiya ng ating Saligang Batas.
Una akong naging propesor sa Unibersidad ng Pilipinas. Hindi ko malilimutan ang isang pagkakataon na nagtuturo pa lamang ako sa College of Law, kung saan hinawakan ko ang Constitutional Law at Public International Law sa loob ng 15 taon. Naalala kong binigyan ako ng babala ng mga opisyales ng unibersidad at kolehiyo, at maging ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), na huwag ipakita sa aking klase ang isang pelikula tungkol sa propetang si Mohammed. Ito raw ay ipinagbabawal sa relihiyong Islam, kaya nama’y naging sentro ito ng kontrobersya. Ngunit sa kabila ng kanilang abiso ay pinili ko pa ring ipakita ito sa aking mga estudyante dahil para sa aki’y isang mahalagang leksiyon ito tungkol sa kalayaan sa pamamahayag na hindi puwedeng palagpasin.
Nagsilbi rin akong abogado ng karapatang pang-media habang nasa UP. Isang kaganapang nangyari noong Agosto 2016 ang aking gustong sariwain. Umakyat ako ng Baguio upang dinggin ang hatol ng korte sa isang kaso tungkol sa estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na sinampahan ng kanyang propesor ng libel.
Dahil umano ito sa pagsulat niya ng lampoon article sa kanilang campus paper. Ipinagtanggol ko ang estudyante dahil lubos akong naniniwala na gaya ng bawat isa sa atin, pati na ng kanyang mga propesor, may karapatan ang bata na ipahayag ang kanyang sarili. Sa kabutihang palad ay napawalang-sala ang estudyante, at ngayon ay nakapagtapos na siya sa kolehiyo.
Ilan lang ang mga ito sa marami kong ipinaglaban na mga kaso sa ngalan ng malayang pamamahayag.
Ngayong wala na ako sa akademya at ganap nang lingkod-bayan, nananatiling matatag ang aking pananaw. Bilang tagapagsalita ng Pangulo, tungkulin kong hikayatin ang mga kapwa ko mamamayan na lumahok sa pambansang diskurso.
Politiko man o ordinaryong mamamayan, kailangan nating tratuhin ang malayang pamamahayag bilang katuwang natin sa ating kolektibong layunin na magkaroon nang mas matatag na demokrasya.