Una sa Balita

Ang sunog at ang ‘Momo’ Challenge

By
0 847

Ang Marso ang idineklarang ‘fire prevention month’ pero alam ba ninyo kung bakit at kung kailan ito sinimulang ipatupad?

Pero bago tayo maglaro, este mag-usap tungkol sa apoy, balikan muna natin itong isyu ng ‘Momo’ Challenge na parang sunog din na kinatakutan. May ibang nagsasabi na masyado lang pinalaki ang isyu at hindi naman daw totoo.

Kung tutuusin, totoo man siya o hindi, dapat maging aware ang mga magulang sa peligrong maaaring mangyari sa kanilang mga anak dahil sa social media. Aba’y ilang beses na ba tayong nakapagbalita na may dalagita na napariwara dahil sa nakilala nila sa internet?

Isa pa, hindi natin masisisi ang mga tao na mangamba sa naturang katarantaduhang ‘challenge’ dahil hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong balita. Sa Russia, kuma­lat ang katulad na challenge na pinaniniwalang dahilan ng nasa higit 100 insidente ng kabataan na sinaktan ang kanilang sarili.

Nang pumutok sa atin ang balita tungkol sa ‘Momo’ Challenge na naunang nailathala sa peryodikong ito, naiulat na sa ibang bansa at lalo lang nabigyan ng pansin matapos na magsalita ang ilang magulang na iniugnay ang naturang challenge sa nangyari sa kanilang mga anak.

Kung sakaling hindi nga totoo ang ‘Momo’ Challenge, aba’y mabuti. Pero hindi nito maiaalis ang panganib, lalo na sa mga batang mahilig gumamit ng internet. Ang kailangan talaga, subaybayan at laging makipag-usap ang mga magulang sa kanilang anak. Dapat din silang sumabay sa paggamit ng modernong teknolohiya at huwag basta hayaan lang ang mga anak na ‘maglaro’ sa digital world.

Related Posts

Mahirap na, baka hindi niyo alam na may matandang manyakis na palang ka-chat ang mga anak niyo at kung ano-ano na ang ipinapakita sa kaniya. Nakakatakot din ‘yan na daig pa ang ‘moomoo.’

Usapang sunog naman tayo, taong 1966 mga tsong nang magpalabas ng Proclamation 115-A si dating Pangulong Ferdinand Marcos, na nagtatakda ng Safety and Prevention Year. Nakatoka rito ang mga pag-iingat na dapat gawin sa bawat buwan, at ang Marso nga ang ginawang fire prevention month.

Nang gawin ang kautusan, sinasabing sa buwan ng Marso nangyayari ang maraming sunog dahil ito rin ang simula ng pag-init ng temperatura sa bansa. Ngunit kung pagbabatayan ang mga datos mula sa Bureau of Fire Protection, lumilitaw na kung minsan, mas marami ang sunog na nagaganap sa buwan ng Abril, na batay sa kautusan at nakatoka naman bilang ‘Vacation Hazards’ month.

Nitong nakaraang 2018, mula Enero 1 hanggang Disyembre 27, mantakin ninyo na umabot sa 14,316 ang sunog na naganap sa bansa. Sa bilang na nabanggit, 3,943 ang nangyari sa Metro Manila.

Bagaman bahagyang mas maraming sunog ang nangyari noong 2018 kumpara noong 2017, mas kaunti naman daw ang nasawi sa sunog noong nakaraang taon na umabot sa 222. Aba’y marami pa rin iyon kaya dapat talagang mag-­ingat tayo mga tsong.
Ang kadalasan daw na pinagmumulan ng sunog ay faulty electrical wiring at overheating ng mga napabayaang nakasaksak na mga gadget o appliances (partikular ang electric fan), sobrang dami ng mga sabay-sabay na nakasaksak na appliances, at m­ga napabayaang nakasin­ding kandila o kalan.

Kasabihan nga ng mga matatanda, hindi na baleng manakawan, ‘wag lang masunugan. Pero tandaan din mga tsong na kung masusunugan man, higit pa rin na mahalaga ang buhay. Kaya bukod sa mga tips kung paano makakaiwas sa sunog, dapat alamin din ang mga kailangang gawin kapag nangyari na ang sunog. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy