Una sa Balita

Ang Santo Niño, ang Nazareno at ang Kwinsentenaryo

0 519

Kahit hindi ako naging banal, noong bata ako madalas akong ipanala­ngin ng aking inang si Vilma. Dahil mula nang isilang ako noong 19 ­Enero 1984, 36 na taon na ang nakalilipas, ay may napansing bukol sa aking ulo na tinatawag na “korona” at sinasabing ako ay baka mamatay bago magpitong taong gulang. Payat din ako at ­sakitin. Noon may Santo Niño (Batang Hesus) na malaki sa aming ­bahay, ang unang salitang binanggit ko sa tanang buhay ko ay “Ji” habang tinuturo ang Niño, iyon pala, “Jesus” (Sayang natupok sa sunog na naganap sa aming lumang bahay noong 2019 ang poon na ito. Pagdating ng panahon, pinagsuot ako ng pulang damit ng aking nanay at tuwing Biyernes ay dinadala sa Poong Hesus Nazareno sa Tarlac upang humalik. Ito pala ang naging introduksyon ko sa dalawa sa mga pinakamalaking Katolikong debosyon sa Pilipinas.

May debate nga kung ano ang mas malaking debosyon, dahil ­milyon ang pumupunta sa Traslacion ng Nazareno sa Quiapo, pero gayundin naman ang sasabihin ng mga taga Cebu, milyon din ang pumupunta sa Sinulog at sa ikatlong Linggo ng Enero (tulad ngayong araw), ang pista ng Santo Niño ay nagaganap sa mas marami pang lugar sa Pilipinas. Kako hindi naman siguro kailangang pag-awayin dahil pareho namang pagkatao ni Hesukristo iyon.

Sa mga pagdiriwang ng Kwinsentenaryo, o ika-500 taon ng pag-ikot sa mundo at pagwawagi ni Lapulapu sa Mactan, may mga nagsasabing hindi dapat ipagdiwang ang pagdating ng Kristiyanismo dahil ipinilit lamang ito sa atin upang tanggapin ang ating pagkasakop. Medyo makitid ang pananaw na ito sa kasaysayan. Sapagkat ang mga debosyon sa Santo Niño, Nazareno, maging ang mga debosyong Marian para sa ina ni Hesus ay mga ebidensya na hindi lamang natin tinanggap na parang uto-uto ang Kristiyanismo kundi sa katotohanan, inangkin talaga natin ito at ginawa nating bahagi ng ating kultura. Ngayon, pinakamarami pa rin sa mga Pilipino ay mga Katoliko.

Liban sa paliwanag na inihalintulad ng bayan sa mga sinaunang anito ang mga Poong Katoliko, malapit din sa Pilipino ang mga debosyon ng Santo Niño at ­Nazareno sapagkat narito ang Panginoong sinasamba natin na naging bata at paglaon, pinahirapan. Samakatuwid, naiintindihan Niya tayo dahil naranasan Niyang maging tao. Naranasan Niyang maging mahina, matukso, magutom, bumagsak. Kaya naman dahil naiintindihan Niya tayo, ang awa Niya at unawa para sa atin ay wagas at magpakailanman.

May mga taong nagsasabi na masyado tayong nahihibang sa mga debosyon nang naghihirap at patay na Kristo dahil raw repleksyon daw ito ng kahirapan ng Pilipino, ngunit hindi lang naman iyan ang tinitingnan ng deboto, ang nakikita niya ay ang susunod na bahagi ng kuwento: Ang pagkabuhay na mag-uli. Iyon ang kinatawan ng pag-asa ng bawat Pilipino, na ang susunod na bahagi ng ating kuwento ay magiging maganda.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More