Una sa Balita

Ang salita ng Pangulo

0 1,073

Lumabas nitong nakaraang Sabado ang pinakahu­ling survey ng Social Weather Stations o SWS. Ayon sa naturang survey na isinagawa noong Setyembre 15-23, 2018, 70 porsyento ng mga Pilipino ay satisfied o nasisiyahan sa trabaho ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ay mas mataas ng limang porysento mula sa 65 porsyento na satisfaction rating na nakuha ng Pangulo noong Hunyo.

Ang pagtaas ng satisfaction rating ng Pangulo ay nangangahulugan lamang na naiintindihan ng taumbayan si Presidente Digong at alam nila ang totong intensyon niya, maski ano pa man ang sabihin niya na binabaluktot ng kanyang mga kritiko.

Patunay rin ang mataas na approval rating ng Pangulo sa huling survey ng Pulse Asia kung saan sinusuportahan ng karamihan ng mga Pilipino ang mga programa ng pamahalaan, lalong-lalo na ang pagsugpo sa kriminalidad.

Nakatutuwa naman na matibay ang paniniwala at suporta ng ating mga kababayan kay Pa­ngulong Duterte. Nitong nakaraang linggo kasi ay pinagpiyestahan na naman ang kanyang sinabi tungkol sa mga EJK o extra judicial killing. Ipinagpipilitan nila na inamin daw ng Pangulo na siya ang may pakana sa mga EJK sa bansa.

Ang sinasabing pag-amin ay napapaloob sa talumpati ng Pangulo sa panunumpa ng katungkulan ng mga bagong Career Executive Service Officers, paggawad sa 2017 Gawad Career Exe­cutive Services (CES), at awarding ceremony ng 2018 Outstanding Government Workers. At upang maunawaan ang sinabi ng Pangulo, kumuha tayo ng mahalagang bahagi ng kanyang talumpati: “What are your sins? Ako? Sabi ko nga sa military, anong kasalanan ko? Nagnakaw ba ako diyan ni piso? Sige daw. Did I prosecute somebody na ipinakulong ko? Ang kasalanan ko lang ‘yung mga extrajudicial killing.”

Malinaw na kaila­ngang tingnan sa kabuuan ang sinabi ni Pa­ngulong Digong upang maintidihan natin ang gusto niyang sabihin. U­nang-una, Bisaya ang ang ating Pa­ngulo at hindi Tagalog ang kanyang unang wika. Kaya huwag nating asahan na maipahayag niya ang kanyang saloobin sa lengguwahe na gamit ng nakararami sa Metro Manila at Luzon.

Ang ibig sabihin ng Pangulo sa kanyang sinabi ay ni minsan si­mula ng maupo siya bilang pinakamataas na halal na opisyal ng bansa ay hindi pa siya nababahiran ng korapsyon. Hindi rin niya binalikan ang kanyang mga kritiko sa politika. Iyon ang kanyang saloobin na mabilis na binaluktot ng mga tao at mga grupong nais siyang matanggal sa puwesto.

Nabanggit ng Pa­ngulo ang EJK dahil ito at ito lang naman lagi ang ibi­nabatong isyu sa kanya at sa kanyang admi­nistrasyon.

Ang mga nasambit na salita ng ating Pangulo ay hindi pag-amin sa kung ano mang kasalanan.

Kailangan din siguro nating bigyang-diin na wala naman talagang krimen na “EJK” sa ating batas at maging sa batas sa ibang bansa. Kung tutuusin nga ay mali pa ang katagang “EJK” sapagkat wala namang pagpatay na may pahintulot ng ating batas at hukuman.

At para sa mga taong natutuwa dahil akala nila ay lalakas ang kasong isinampa nila laban kay Pangulong Digong sa International Criminal Court (ICC), huwag po kayong magbunyi dahil hindi makakatulong sa inyo ang sinasabi ninyong pag-amin ng Pangulo.

Unang-una, wala pa namang kasong nabuksan sa ICC. Ang nakabin­bin lamang ay isang liham para sa taga-usig ng ICC. Ni hindi pa ito umabot sa preliminary investigation. Ang taga-usig o prosecutor ay hindi pa nakakapagdesisyon kung siya nga ay magbubukas ng imbestigasyon laban sa ating Pangulo.

At tungkol naman sa mga patayan na may kina­laman sa kampanya laban sa iligal na droga, kailangan din nating bigyang-diin na habang may mga pagpaslang na binabanggit ang mga kritiko ng Pa­ngulo, hindi naman lahat ng mga ito ay bunga ng letihimong operasyon ng ating kapulisan.

May mga pagpaslang na dulot ng mga away ng mga sindikato ng iligal na droga na nagkakagulo na dahil sa tumitinding pagpuksa sa hanay nila. Para naman sa mga namatay habang may isinasagawan­g operasyon ng mga awtoridad, marapat lamang naman po na ipagtanggol ng ating kapulisan ang kanilang mga sarili lalo na kapag may banta sa kanilang buhay.

Sa lahat ng ito, ano pa man ang isyung pilit na idinidikit sa ating Pangulo, siya ay nagpapasalamat sa patuloy na pagsuporta at pagtiwala ng sambayanang Pilipino sa kanya. Nauunawan ng madla ang tunay na saloobin ni Presidente Digong kahit sa anong paraan pa ito nabanggit.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy