Una sa Balita

Ang Probinsyano nanalo lang dahil kina Coco, Yassi

0 479

SA gitna ng kinasasangkutang kontrobersya ni Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos matapos mag-viral sa social media ang panununtok nito sa isang waiter, ipinamukha ng isang grupo ng mga manggagawa na kaya lang nanalo ang nasabing partido ay dahil sa suporta nina Coco Martin at Yassi Pressman.

Matatandaang noong panahon ng kampanya para sa May 13 midterm elections ay masigasig na nangampanya para sa Ang Probinsyano Party-list sina Coco at Martin.

Sa isang pahayag, sinabi ni Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) chairperson Leody de Guzman na hindi na dapat makatungtong pa sa Batasang Pambansa ang mga katulad ni Delos Santos dahil sa masamang pag-uugali nito.

“‘Tong mga gaya ni Delos Santos na nanalo lang dahil sa paggamit ng endorser at wala man lang track record ng sinserong pagtulong ay hindi na dapat makatungtong ng Batasan. Hindi na siya dapat umabot pa ng SONA,” ani De Guzman.

Ipinapakita lamang aniya sa insidenteng kinasangkutan ni Delos Santos kung paanong tinitingnan at tinatrato ng isang politikong katulad ni Delos Santos ang mga manggagawa.

“They are mindleslly drowning in power and influence that they are completely detached from ordinary people, from the very people they owe for their status in society,” ayon pa sa pahayag ng BMP.

Kaugnay nito, hinimok ni De Guzman ang waiter na si Christian Ken Alejano, na magsampa ng kaukulang kaso at manindigan laban kay Delos Santos.

Handa aniya ang BMP na tulungan si Alejano sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng abogado na magtatanggol sa kanya.

“Ihabla niya, huwag siyang matakot. Gawin niya ito para sa kanyang sariling dignidad at sa kapaka­nan ng buong manggagawang Pilipino na araw-araw inaabuso at pinagsasamantalahan ng mga kagaya ni Delos Santos,” giit pa ni De Guzman.

Nauna rito ay humingi na ng paumanhin si Delos Santos at iginiit na hindi siya bully at hindi rin troublemaker.

Gayunman, iginiit ng waiter na si Alejano na dapat magbigay ng public apology si Delos Santos sa harap ng media at sabihin nito ang buong katotohanan sa insidenteng kinasangkutan nila.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy