Una sa Balita

Ang Pista ng Nazareno noong Dekada 1950

0 660

Sa Miyerkoles, 9 Enero magaganap muli ang “Traslacion” ng Poong Hesus Nazareno, ngunit bago ito naging malaking pista ng Maynila, ito ay prusisyon lamang sa loob ng distrito ng Quiapo matapos ang siyam na araw na nobena para sa Kabanal-banalang pa­ngalan ni Hesus na nagsisimula tuwing bagong taon.

Kung babasahin ang pahayagang The Manila Times noong Dekada 1950, 5:30 PM na nagsisimula ang prusisyon sa Simbahan ng Quiapo. Dumadaan ang prusisyon sa mga kalyeng Evangelista, Raon, Quezon Avenue, Villalobos, Carriedo, Echague, R. Hidalgo, Tanduay, Tuberias, Vergara, Castillejos, at iba pang mga kalye bago matapos ito ng 9:00 PM nang gabi ring iyon! 15 banda ang tumugtog sa okasyon na inihandog ng mga mayayaman at manininda sa palengke ng Quiapo.

Kung ngayon mula sa panahon ni Msgr. José Clemente Ignacio hanggang sa panahon ni Msgr. Hernando Co­ronel ay napapanatili ang pagiging relihiyoso ng pista liban sa pagpapahintulot ng pagtatanghal ng mga artista deboto tulad ni Coco Martin o ng 4th Impact para sa vigil ngayon sa Luneta bago ang paglabas ng senyor, noong 1951, siyam na araw ang “nightly entertainment” sa harapan ng Simbahan ng Quiapo, “The nightly programs were mostly musical competitions—vocal singing, ‘cumbancheros’ contest and band contest… The climax of the musical contest will be the band competition tonight in which at least 10 bands from the provinces are expected to take part. The contest will probably last till the following mor­ning.” Mas matagal pa ang pakontest kaysa sa mismong prusisyon

Related Posts

Sa isang artikulo noong 1953, ipinakita ang partisipasyon kapwa ng mga lalaki at mga babae, “Thousands of male devotes dressed in shorts and undershirts and some of them stripped to the waist, will be much in evidence as early as 4 p.m. preparing for their participation in carrying the float of the Black Nazarene during the procession. Female devotees and children will be dressed in purple sack and will wear a crown of flowers in place of the crown of thorns.”

Noong 1955, naiulat ang pagtagilid ng imahe bago iprusisyon nang ito’y dumugin. Nang itulak ito upang ayusin bilang reaksyon ng madla, iilan lamang ang nasa kabila na hindi hinayaang matumba ang senyor, isa dito ang 32 taong gulang na deboto na tagapag­linis ng sapatos mula sa Calle Alvarez, Sta. Cruz na si Damian Marcale na sa kalaunan ay naipit sa pader ng simbahan. Siya ang naitalang pinakaunang namatay sa prusisyon ng Nazareno.

Sa sidhi ng pananampalataya ng mga deboto, hanggang ngayon itinutu­ring nila ang mamatay sa dakilang prusisyon para sa senyor ay isang biyaya.

Ngunit walang gustong mangyari ito sa mga pinuno ng simbahan at pamahalaan kaya nitong mga nagdaang taon, matinding paghahanda at pagpapaalala ang ginagawa sa mga balangay ng deboto kaya makikita ang malaking pagkabawas ng mga insidente taon-taon.