Una sa Balita

Ang Pilipino ay Makakalikasan

0 360

Sa dating gameshow na “Game ka na ba?” may isang one-million-peso-question na hindi nasagot. Ang tanong ay “Ano ang motto ng Republika ng Pilipinas?” Ano nga ba?

Ayon sa Flag and Heraldic Code (Republic Act 8491) na pi­nirmahan ni Pangulong Fidel V. Ramos noong 12 Pebrero 1998, “MAKA-DIYOS, MAKA-TAO, MAKAKALIKASAN AT MAKABANSA.” Ito rin ang mga huling kataga ng ating panunumpa ng katapatan sa watawat.

Napakagandang pagbubuod ito ng pagkakakilanlang Pilipino sapagkat maiuugat mong lahat ng ito sa kasaysayan at kalooban ng mga tao sa Pilipinas. Halimbawa, ang ating pagiging makakalikasan.

Bago dumating ang kolonyalismo at Islam sa bansa, naniniwala ang mga ninuno nating Austronesyano sa mga espiritu, kaya tinatawag natin ang kanilang relihiyon na Animismo (mula sa salitang La­tin na anima o “soul”, hindi animal). Bawat tao ay may “kaluluwa”, isa sa mga life force na nasa loob ng ating katawan kaakibat ng “ginhawa”.Ang ginhawa ay nakalulan sa atay habang ang kaluluwa ay nasa utak. Kapag matuwid ang kaluluwa at malinis ang kanyang kalooban, nagiging maginhawa ang tao. Kung halang naman ang kaluluwa, walang tunay na ka­ginhawahan. Mahalaga ang alignment ng kaluluwa dahil kung nauusog ang ating kaluluwa, sumasama ang ating pakiramdam, kaya may “usog”.

Pero dahil ang Pilipino ay nanininirahan sa mga tabing ilog at dagat, ang kanyang pananaw sa sandaigdigan ay apektado nito. Kapag namatay daw ang tao, nagiging anito tayo, at ang ating kaluluwa ay maglalakbay sakay ng bangka sa dagat patu­ngong kabilang buhay. Ngunit bumabalik ang mga anito sa lupa, mga punongkahoy, mga bato, mga kabundukan, at iba pa, upang bantayan ang mga naiwan nila dito.

Samakatuwid, ang mga Pilipino ay makakalikasan dahil ito ang ta­hanan ng ating mga anito at magiging taha­nan natin kapag tayo ay yumao na. Kaya naman kung puputol sila noon ng puno para gumawa ng bahay, nagrirituwal pa sila upang magpaalam.

Sa Kanluraning pananaw, ang tao ang namamayani sa lahat ng mga nilikha at puwede nitong gawin kung ano ang ibig niya, kaya walang habas din ang pang-aabuso natin dito. Pero sa pananaw ng ating mga ninuno, “ang lahat ng bagay ay magkaugnay,” sabi nga ni Joey Ayala. Hindi tayo mas mataas sa kalikasan, kaugnay natin ito. Kung may buhay tayo, may buhay din ang mga hayop, puno at halaman. Kung mawala sila, mawawala rin tayo. Ang diwa nito ang sasalaminin ng ating pavilion na Bangkota sa Dubai Expo 2020.

Ayon na rin sa mga siyentipiko, dahil sa kagagawan ng tao, napabilis ang pagbabago ng klima na siyang nakakaapekto ngayon sa paglakas ng mga bagyo, pagbaha at tagtuyot. Ano ang puwede nating maiambag upang mabawasan ang pagkasira ng ating Inang Kalikasan? Pumunta sa climatereality.ph para maging kabahagi ng aksyon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy