Una sa Balita

Ang pangako ng maunlad na Mindanao

By
0 505

Isa ako sa mga pinakaunang opis­yal ng pamahalaan na nagbigay babala sa banta ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa bansa.

Sa katunayan, noong Agosto 2016 pa lamang ay nagbigay na ako babala tungkol sa bakbakan ng ating mga sundalo at mga lokal na miyembro na may ugnayan sa Islamic state sa bayan ng Tipo-Tipo sa Basilan.

Sinabi ko na ito noon nung pinagdedebatehan pa lang kung mayroon nga talagang banta ng ISIS sa ating bansa.

At nitong nakaraang taon nga ay nakumpirma na talaga ang ugnayan ng mga Maute at Islamic state sa Pilipinas nang sumiklab ang gulo sa Marawi.

Halos isang taon ang lumipas bago tuluyang nasugpo ng mga puwersa ng gobyerno ang mga kalabang Maute at tagumpay na mabawi ang Marawi.

Ang banta ng tero­rismo sa bansa, lalong-lalo na sa Mindanao, ay isa sa mga dahilan kung bakit napakalahaga ng naging pagpupulong ni Pangulong Rodrigo Duterte at Malaysian Prime

Minister Mahathir bin Mohamad nitong Lunes.
Naging matagumpay ang pagbisita ni Pa­ngulong Duterte sa Malaysia.

Nasaksihan ng Pangulo ang pagkapanalo ni Senador Manny Pacquiao sa WBA welterweight bout laban kay Lucas Matthysse noong Linggo. Pagkatapos nito ay nagkausap ang dalawang lider.

Sa kanilang pagpupulong, nagpasalamat si Pangulong Duterte sa imbitasyon ni Prime Mi­nister Mahathir at du­malo ang ating Pangulo sa Kuala Lumpur upang mapag-usapan ang mga bagay na nasa interes ng parehong bansa.

Muling pinagtibay ng dalawang pinuno ang matagal nang pagkakaibigan ng Pilipinas at Malaysia.

Pinagtibay din muli ng Pangulo ang pa­ngakong paigtingin pa ang kooperasyon ng dalawang bansa sa seguridad at depensa sa rehiyon.

Sinabi ni Pangulong Duterte na kailangang tutukan ang banta ng tero­rismo sa rehiyon, kasama na ang pamimirata at armadong pagnanakaw sa gitna ng karagatan, pati na ang problema sa iligal na droga.

Malaki na ang naiambag ng Malaysia sa hangad nating makam­tan ang kapayapaan sa ating bansa partikular sa Mindanao, kaya naman malaki rin ang naging pasasalamat ni Pangulong Duterte kay Prime Minister Mahathir.

Pinangunahan ng Malaysia ang International Monitoring team na siyang nangangasiwa sa usapang pangkapa­yapaan sa pagitan ng ating pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Sila rin ang nagsilbing facilitator sa mga usapin na ito sa mga nakaraang taon.

Mahalaga ang kapa­yapaan sa Timog Pilipinas sapagkat kapag wala ito ay magiging walang silbi ang mga proyekto ng pamahalaan para sa Mindanao.

Karapat-dapat naman talagang bigyan ng atensyon ang Mindanao. At dahil galing dito ang ating Pangulo, sa wakas ay nabibigyan na ng sapat na pansin ang parteng iyon ng ating bansa.

Ilang dekada nang napapabayaan ang ‘Impe­rial Manila’ na Mindanao. Hindi na ito ang magi­ging lagay sa administrasyong Duterte.

Ang Build, Build, Build Program ng pamahalaan ang siyang magsisilbing haligi ng pag-unlad ng Mindanao.