Una sa Balita

Ang pagpasan ng lubid para sa Nazareno

By
0 376

Sa karaniwang nagmamasid sa mga prusisyon ng Poong Hesus Nazareno ng Quiapo sa tuwing pagtatapos ng taon, 9 Enero at Biyernes Santo, makikita na sa harapan ng andas ng Senyor at sa gitna ng daluyong ng tao ay dalawang pilang mahaba sa harapan nito na konektado sa andas mismo. Ito ang dalawang­ malalaking lubid na humihila sa andas at tila nag-uunahan ang mga deboto na makahawak sa lubid na ito. Paano nga ba nagkaroon nito?

Noon, kapag inilalabas ang Nazareno, talagang nilalagay ito sa sinaunang andas, iyong may dalawang kahoy na siyang ginagamit upang pasanin ito sa balikat. Ang tawag dito ay pingga, ‘carrying pole’. Sa mga larawan, makikitang nag-uunahan ang mga tao dito para sa pagkakataon na makasalang sa ilalim ng mga pingga upang pasa­nin ang Nazareno.

Ngayon, karosang de-gulong na ang ginagamit. Tinatawag pa ring ‘andas’ dahil technically andas pa rin siya pero ipinatong lang sa karosa. At dahil hindi na kaila­ngang pasanin ng pingga, ang lubid ang tila naging bagong pingga, ang ekstensyon ng andas. Kaya nga kung ti­tingnan, hindi nawawala ang mga lumang termino: ‘pagsalang’ sa lubid, ‘pagpasan’ sa lubid, kahit sa totoo lang hinihila talaga ito at hindi naman na binubuhat.

Sa ilang nakapanayam na deboto, simbolo ang pagpasan ng lubid sa balikat sa pagsama sa paghihirap ni Kristo sa pagpasan sa krus ng Golgotha.

Sa pag-uusap namin ni Dr. Lars Raymund Ubaldo matapos niyang magsimba sa Quiapo nitong unang Biyernes ng buwan ng Hunyo, kanyang ipinaliwanag na sa paniniwala ng mga deboto. Ang lubid ay kumakatawan sa pagdaloy ng kapangyarihan.

Kung tutuusin, mas marami ang nais pumasan sa lubid kaysa sa mga ‘sumasampa’ sa andas sapagkat mula sa lubid pinaniniwalaang dumadaloy ang kapangyarihan ng Senyor Hesus Nazareno. Kaya hindi kailangang mahawakan mismo ang Senyor, sapat na ang makasalang sa lubid upang makakonekta sa Bathala at magtamo ng kagalingan at kaginhawahan o mas mahalaga, ang magpasalamat sa mga biyayang ito.

Samakatuwid, ang lubid ang koneksiyon ng ‘namamasan’ ng dalawang bahagi ng debos­yon—ang namamasan sa Senyor Hesus Nazareno, at ang namamasan sa kanyang kapwa namamasan. Nakikiisa siya sa pagsasakripisyo ng kapwa niya deboto at nagbabayanihan sila sa pagsalya sa Senyor.

Samakatuwid, liban sa kapangyarihan na ipinapalagay ng mga deboto na nagmumula sa lubid, ang lubid ang representasyon ng hamon para matiwasay na maihahatid ng mga namamasan pauwi ang Senyor.

Ayon sa dating rektor ng Quiapo Church na ngayon ay Vicar Ge­neral ng Archdiocese of Manila na si Monsignor José Clemente Ignacio, ang mga praktis na ito ng mga deboto ay paraan nila upang maging konektado sa anumang mabathala (divine) tulad ng pagnanais ng babaeng dinudugo na mahawakan ang damit ng ating Panginoong HesuKristo upang guma­ling. Mahalagang pagpapahayag ito ng kanilang pananampalataya.