Una sa Balita

Ang pagnanakaw ng China sa ating magandang kinabukasan

0 527

Mula noong 2016, madalas na­ting marinig sa gobyerno na nais nitong habulin ang mga small-time drug pusher at user dahil sinisira nila ang kinabukasan ng kabataan. Ito ang dahilan kung bakit nila inilunsad ang Oplan Tokhang. Dito na nagsimula ang kaliwa’t kanang patayan laban sa mga magnanakaw ng magandang bukas ng bansa.

Gayunpaman, naniniwala akong ibang magnanakaw ng kinabukasan ang dapat habulin ang gobyerno. Mayroong nagnanakaw ng pag-asa ng bayan sa pamamagitan ng pagpasok ng tone-toneladang droga sa bansa. Mayroong nagnanakaw ng ating pagkakataon na maiahon ang bayan at ang taumbayan sa kahirapan.

Ang tinutukoy na magnanakaw dito ay ang China. Harap-harapan tayong ninanakawan ng ating teritoryo sa West Phi­lippine Sea habang kanilang binu-bully ang ating mga mangi­ngisda at mga sundalo. Ang nakalulungkot pa rito, sinabihan pa tayo ng administrasyon na magpasalamat sa China dahil lamang sa rescue center na itinayo nito sa isang isla sa West Philippine Sea.

Kung tutuusin, ang pang-aagaw na ito ay hindi lamang simpleng usapin ng pagkuha sa ating teritoryo. Usapin din ito ng pang-aagaw ng posibleng pagkuhanan natin ng enerhiya gaya ng langis at natural gas at higit sa lahat—pagkain. Ang mga ito ay makatutulong sana sa bansa natin na masigurong tayo ay may pagkain sa ating mga hapag at enerhiya para sa ating mga tahanan at transportasyon sa bansa.

Kung hindi natin dapat hayaan ang China na agawan tayo, ibig sa sabihin ba nito ay dapat tayong makipaggiyera sa kanila? Ang sagot ay hindi, ngunit hindi rin ito nangunguhulugan na tayo ay dapat manatiling kibit-balikat. Maaari pa rin nating gamitin ang ating pagkapanalo sa Permanent Court of Arbitration laban sa China noong Hulyo 2016. Maaaring maghain tayo ng diplomatic protest sa international community.

Sa kabuuan, hindi maganda ang sentimyento ng taumbayan sa ginagawang ito ng China at sa pananahimik ng ating gobyerno. Sa katunayan, sa isang survey noong nakaraang taon ay lumabas na 84% ng mga Pinoy ang naniniwala na hindi tama na hinahayaan ng gobyerno ang pag­lakas ng military pre­sence ng China sa West Philippine Sea. Dahil dito, nararapat lang na gawan ng aksyon ng gobyerno ang ginagawang panghihimasok at pang-aagaw ng China ng teritoryo, pagkain, at higit sa lahat—ng pagkakataong maiangat ang ating bayan mula sa kahirapan.